BASE sa huling survey ng Pulse Asia, ang mga Pilipino ay naniniwalang may pag-asa sa 2016. “Nagpapasalamat ang gobyerno sa pagiging positibo nila,” wika ni Malacañang spokeperson Sonny Coloma. Magsisilbi aniya itong inspirasyon para pag-ibayuhin pamahalaan ang pagganap ng tungkulin para sa mamamayan. Nais yatang ipahiwatig ni Coloma na kaya naniniwala ang mga Pinoy na may pag-asa sa 2016 ay dahil sa gobyerno.
Sa pagpasok ng taong 2010, ganito rin kapositibo ang mamamayan. Naniniwala silang may pag-asa pa sa mga susunod na taon. Maghahalalan noon at si Pangulong Noynoy ay isa sa mga kandidato sa pagkapangulo. Mapapalitan na ang administrasyon ni Pangulong Gloria na sa kanyang panahon ay hindi naging maganda ang pagpapatakbo ng gobyerno.
Nawalan ng tiwala ang mamamayan sa kanya dahil bukod sa pandaraya sa halalan ang naging sanhi ng kanyang pagkapanalo laban kay yumaong Fernando Poe Jr. Nabigo ang mamamayan sa kanilang inaasam-asam na pagbabago sa paghalili ni Pangulong Gloria kay dating Pangulong Erap na pinutol ng taumbayan ang kanyang termino dahil din sa anomalya.
Ang pagkapanalo ni Pangulong Noynoy noong 2010 ay binalot ng kagalakan at bagong pag-asa. Boss daw niya ang mga Pilipino at patatakbuhin ang gobyerno sa “Tuwid na Daan.” Unti-unting napalitan ng pagkadismaya ang kagalakan ng taumbayan. Ang hindi nila maintindihan kasi ay kung bakit sa pagkaupo pa lang niya ay sinabi na niya kaagad na wala siyang nakikitang dahilan upang ibasura ang Oil Deregulation Law (ODL). Eh, sa panahon ng mga pinalitan niyang mga tagapamuno ay ito na ang isa sa mga pangunahing reklamo ng mamamayan. Kaya, matatapos na ang kanyang panunungkulan, malaking problema pa rin itong ODL. Hindi nabago ni PNoy ang mahirap na kalagayan ng mamamayan. Kung may dapat ipasalamat ang kanyang gobyerno sa taumbayan ay dahil sa kabila ng kanyang kabiguang mahango sila sa kahirapan, naniniwala pa rin sila na may pag-asa sa kanyang paglisan. (RIC VALMONTE)