KARANIWAN nang sinasalubong ang bagong taon nang punumpuno ng pag-asa, at kasama rito ang 2016 na nagsimula ngayon. May malaking pangangailangan para sa pag-asang ito sa mundo sa ngayon, dahil na rin sa digmaan na nangyayari sa Midde East na lumaki nang lumaki at ngayon ay kinasasangkutan na ng makakapangyarihang bansa, gaya ng Amerika at Russia.
Ang isang direktang epekto ng giyera ay ang paglikas ng daan-daang libong Syrian at iba pang mga biktima ng kaguluhan na naghahangad ng malilipatan sa Europe gayundin sa Amerika—na, sa kasamaang-palad, ay hindi sila tinatanggap.
Ang mga jihadist na inspirasyon ang Islamic State at kumakalat sa Syria, Iraq, at Libya, ay nagdulot ng takot sa nakalipas na taon sa mga lansangan ng Paris, France, gayundin sa San Bernardino sa California, US. Posibleng ngayong taon masaksihan ang mas determinadong pagkilos ng Amerika, Russia, at ng iba pang bansa upang lipulin ang Islamic State, ngunit kailanman ay hindi naging madaling tuldukan ang relihiyosong pakikipaglaban.
Gayunman, isang pandaigdigang hakbangin ang napagkasunduan sa Paris sa nakalipas na taon—isang hakbangin upang pigilan ang climate change na nagbubunsod ng pag-iinit ng mundo. Sumang-ayon ang maraming bansa sa Paris na baguhin ang nakagawian at gumamit ng renewable energy sa halip na fossil fuels, gaya ng uling, petrolyo, at gasolina. Dapat na mamalas ngayong taon ang hakbanging ito upang maisalba ang ating planetang Earth sa pinagsama-samang pagsisikap upang mapanatiling mababa ang pandaigdigang temperatura.
Sa ating bansang Pilipinas, mamamayagpag sa bagong taon ang kampanyahan para sa eleksiyon sa paghahalal ng susunod na pangulo ng bansa. Sadyang pinahahalagahan ng mga Pilipino ang halalan sa maraming dahilan. Isa sa mga ito ay sapagkat ang eleksiyon ay ang pundasyon ng demokratikong sistema ng gobyerno. Kadalasang ang buhay ng mga opisyal ng gobyerno ang nagmimistulang nagkokontrol sa bansa ngunit kapag eleksiyon, sinasamantala ng mamamayan ang kanilang pagkakataon para pagdesisyunan kung sino ang uupo sa kapangyarihan sa susunod na tatlo hanggang anim na taon. Tanggap din nila ang paggastos dahil sa halalan.
Sa taong ito ay makukumpleto ang anim na taong termino ni Pangulong Aquino, ang president na napanatili ang imahe ng kanyang integridad sa harap ng mga akusasyon ng kakulangan ng kahusayan at kurapsiyon, na kinasasangkutan ng ilan sa malalapit sa kanya. Umaasa ang Pangulo na ihahalal ng mamamayan ang kanyang kandidato bilang pag-apruba sa kanyang administrasyon at sa kanyang record. Ngunit higit na kumplikado ang eleksiyon kaysa rito at ang iba pang mga usapin—gaya ng kahusayan at personalidad ng mga kandidato—ang makatutukoy sa kalalabasan ng halalan.
Mayroon pang mga mangyayari ngayong taon bukod sa eleksiyon. Posible ring magkaroon ng mga pandaigdigang pangyayari sa ating karagatan sa kanluran. Maaari ring muling sumiklab ang malawakang kaguluhan sa Mindanao, na posibleng may kaugnayan sa pagkilos ng mga jihadist sa Gitnang Silangan. Maaari ring magkaroon ng mga bagong pagbubunyag ng kurapsiyon sa gobyerno.
Ngunit gaya ng dati, may pag-asa. Umaasa tayo ng higit pang pagtaas ng ating Gross Domestic Product na magbubunsod ng mga aktibidad na pang-ekonomiya na magkakaloob ng mas maraming trabaho sa mamamayan at makatutulong sa pagresolba sa problema sa malawakang kahirapan. Posible rin ang pagsilang ng isang bagong pulitika sa pangunguna ng mga bagong pinuno ng bansa na ihahalal sa Mayo 9.
Magtiwala tayo na sa kabila ng mga pangamba o alinlangan natin tungkol sa mga susunod na buwan, ang ating pag-asa at ang natural nating pagiging masayahin at determinadong mamamayan ay magtutulak sa ating upang sumulong sa taong 2016 na magsisimula ngayon.