Nanawagan si Sen. Francis “Chiz” Escudero sa Land Transportation Office (LTO) na itigil ang pangongolekta ng P50 para sa car registration sticker dahil sa nararanasang kakulangan ng supply nito para sa mga nagpaparehistrong sasakyan.
Ginawa ni Escudero ang panawagan sa LTO dahil nagsisimula na itong tumanggap ng vehicle registration renewal para sa mga sasakyan ngayong 2016.
“Dapat itigil muna ng LTO ang paniningil sa mga motorista dahil wala namang silang mailabas na car sticker. Natapos na ang 2015 subalit maraming motorista pa rin ang hindi natatanggap ang kanilang car registration sticker na kanilang nabayaran na,” ayon kay Escudero.
“Walang napala ang mga motorista sa pagbayad ng P50 kaya nararapat lang na ibalik ng LTO ang ibinayad sa kanila,” dagdag ni Escudero, na tumatakbo para sa posisyon ng vice president sa 2016 elections.
Aniya, maraming motorista ang nagrereklamo na matapos magbayad ng P50 ay hindi pa rin nila natatanggap ang kanilang car registration sticker sa nakaraang limang taon simula nang magkaaberya ang supply nito noong 2011. - Hannah L. Torregoza