Ni Gilbert Espeña
Kahit gaganapin ang laban sa Thailand, muling haharapin ni dating IBF light flyweight champion Johnreil Casimero ang sobrang gulang na si Thai IBF flyweight titlist Amnat Ruenroeng sa unang bahagi ng taong 2016.
Kung sa ibang bansa ginanap ang unang sagupaan nina Casimero at Ruenroeng noong nakaraang Hunyo 27 sa Hua Mark Indoor Stadium sa Bangkok, tiyak na madi-disqualify ang Thai champion sa sobrang foul tactics na kinunsinte ng Amerikanong referee na si Larry Dogget kaya’t nagprotesta ang kampo ng Filipino sa IBF.
Ayon kay promoter Sammy Gello-ani, hindi papayag ang kampo ni Ruenroeng na ganapin sa neutral country ang laban dahil batid nitong may pamatay na mga kamao si Casimero.
“May negosasyon na sa fight date sa unang linggo nitong Enero,” ani Gello-ani. “I don’t mind if the fight is in Thailand but Johnreil will have to train well.”
Umaksiyon naman sina IBF president Darryl Peoples at Championship Committee chairman Lindsey Tucker sa protesta ni Gello-ani kaya nanatiling No. 1 contender ni Ruenrong si Casimero.
Bagama’t may perpektong rekord si Ruenroeng na 17 panalo, mahina ang kanyang knockouts percentage dahil 5 lamang ang napatulog niya kaya gumagamit siya ng maruruming taktika para manatiling kampeon sa tulong ni Filipino trainer Aljoe Jaro.