Si Joselito Zapanta, isang overseas Filipino worker (OFW) na binitay sa Saudi Arabia nitong Martes dahil sa pagpatay sa isang Sudanese, ang ika-153 isinalang sa death row sa nabanggit na bansa nitong 2015, halos doble ang bilang kumpara noong 2014.

Ito ang inihayag ni James Lynch, deputy director ng Amnesty International-Middle East and North Africa Program, o isang indibiduwal ang binibitay kada araw sa Saudi.

Bukod dito, sinabi ni Lynch na ang bilang ng binitay sa Saudi ngayong 2015 ay ikinokonsiderang pinakamataas sa nakalipas na dalawang dekada.

Noong 1995, umabot sa 192 ang isinalang sa death row sa Saudi Arabia, ayon sa AI.

National

'Gagawin nating alaala, kasaysayan na lang ang mahal na bigas!'—Romualdez

Dahil dito, ang Saudi Arabia ang ikatlo sa may pinamaraming binitay nitong nakaraang taon, sunod sa China at Iran.

Samantala, si Zapanta ang ikalawang overseas Filipino worker (OFW) na binitay sa Saudi ngayong 2015.

Noong Marso, binitay si Joven Esteva dahil sa pagpatay sa kanyang employer.

Iginiit ni Lynch na halos kalahati ng mga binitay noong 2015 ay dahil sa pagkakasala na hindi maikokonsiderang “most serious crimes” na karaniwang pinapatawan ng parusang pagpugot ng ulo gamit ang espada.

Sa batas ng Islam, ang pagpatay, pagtutulak ng droga, armed robbery, panggagahasa at apostasy o pagtalikod sa relihiyon ay may katapat na parusang kamatayan.

“The use of the death penalty is abhorrent in any circumstance but it is especially alarming that the Saudi Arabian authorities continue to use it in violation of international human rights law and standards, on such a wide scale, and after trials which are grossly unfair and sometimes politically motivated,” ayon kay Lynch.

“The death penalty is often arbitrarily applied after blatantly unfair trials,” dagdag ni Lynch.

Ang Amnesty International ay isang global organization na nagsusulong ng karapatang pantao para sa lahat ng lahi.

Tinututulan nito ang parusang kamatayan, maging sino man ang akusado, kung anong krimen, inosente o nagkasala at ang paraan ng pagbitay.

Sinimulan ng Amnesty International ang pagkontra sa parusang kamatayan noong 1977 dahil, ayon sa grupo, ito ay mali dahil ipinagkakait nito ang karapatan ng isang tao na mabuhay, alinsunod sa Universal Declaration of Human Rights. (ROY MABSA)