TALAGANG ang pagkakamali, gaano man katagal, simple man o malaking bagay ay nauulit nang hindi inaasahan.
Pagkakamaling hindi sinasadya ngunit nakapagdudulot pa rin ng ngiti, ng hindi pagtanggap at galit sa mga naapektuhan at galak naman sa nakinabang.
Katulad na lamang ng nangyari kay Miss Universe 2015 Miss Philippines Pia Wurtzbach.
Hindi siya ang unang idineklarang Miss Universe 2015 kung hindi ang Miss Colombia. Kinoronahan na ito, naluha na sa tuwa at ang mga taga-Colombia ay nagdiwang na. Ngunit pagkaraan lamang ng ilang minuto ay muling nagbalik sa harap ng entablado ang host at klinaro ang resulta at sinabing nagkamali siya sa pagbasa ng resulta.
Naging Miss Universe lamang ang Miss Colombia sa loob ng ilang minuto, pinakamaikling tinanghal na “Pinakamagandang hayop sa buong daigdig.” Sa sumunod pang mga minuto at susunod pang mga araw ay si Miss Wurtzbach na ang tunay na magiging Miss Universe.
Nangyari na rin ito sa mga beauty contest ng mga bading sa isang malayong barangay na napuntahan ng kolumnistang ito. Tuwing Bagong Taon ay idinadaos ang beauty contest ng mga bading. May magaganda rin naman sa mga contestant na bading ngunit marami ang mga mukhang boksingero. Ipinarada sila sa entablado habang nakasuot ng gown. Ang iba, naka-gown na nga ay mukha pa ring mga bangkay na hindi naililibing. At naganap ang paghahayag ng nagwagi at tatanghaling MISS BARANGAY. Ngunit hindi malaman kung tanga ang announcer o talagang may tililing, mali ang naipahayag na resulta. Nang magsalita ang mga hurado ay saka binago ang resulta.
Ayaw pumayag ng unang idineklarang nanalo. Ayaw ibigay ang naipatong na korona sa talagang nagwagi at tuluyang nag-agawan ang dalawa. Nagkawarat-warat ang korona. At hindi lamang iyon, nagkarambola pa sa ibabaw ng entablado.
Sabunutan, talakan, sampalan at wrestling hanggang sa magiba ang entablado.
Nang mabasa ko ang tungkol sa pagkakamali sa nangyari kay Miss Pia Wurtzbach naalaala ko ang nasaksihan kong pangyayaring iyon. Bagong Taon ay maraming may bukol at nasugatan dahil nadunggol, nasampal at nadaganan ng entablado ang sana’y masayang manonood.
Maligayang Bagong Taon sa lahat. Hindi Masagana sapagkat sa panahong ito ay mga pulitiko at mga opisyal lamang ng gobyerno ang sagana sa salapi ng bayan.
Happy New Year! (ROD SALANDANAN)