ANG bawat Bagong Taon ay nagbibigay-daan sa bagong pag-asa. Naghahandog ito ng dahilan para sa pagsisimulang muli; pinagninilay tayo sa ating mga ginawa upang matukoy ang mga naging kabiguan, at maiwasto ang mga pagkakamali sa nakalipas na taon, paghihilumin ang mga nasirang pangarap, ibabalik ang mga nagkasirang relasyon, at bubuo ng panibagong mga ugnayan.

Malapit nang matapos ang selebrasyon ng mga okasyon at magbabalik-eskuwela at trabaho na tayo. Habang pinaghahandaan natin ang pagbabalik sa ating isang buong taon ng mga gawain at aktibidad, salubungin natin ang 2016 nang may buong determinasyon upang gawin itong mas mabuting taon, para sa ating sarili, sa ating pamilya, sa ating komunidad, at sa ating bansa.

Ang mga organisasyon at institusyon, partikular na ang mga naatasang maglingkod sa publiko, ay sasalubong sa Bagong Taon habang naglilimi sa nakalipas na taon sa pag-asang mas mapapabuti ang paghahatid ng mga serbisyo, at mapag-iibayo ang kalidad ng paglilingkod. Ang Bagong Taon ay nagbibigay sa kanila ng pagkakataon na planuhin ang susunod na 366 na araw sa pagtugon sa mga hamon, pagtukoy sa mga prioridad at hangarin, at paghugot ng mahahalagang aral mula sa mga nakaraang kabiguan upang makapag-ambag para sa mas mabuting kalidad ng buhay sa lipunan.

Para sa mga Katoliko, ang 2016 ay kasabay ng pagdiriwang ng Extraordinary Holy Year, na inilunsad sa pagbubukas ni Pope Francis ng Holy Door of Mercy nitong Disyembre 8, 2015, sa Vatican. Ang Extraordinary Holy Year ay tinaguriang “gift of grace” at ang “pass through” sa Banal na Pintuan ay nangangahulugan ng muling pagtanggap sa walang hanggang awa ng Diyos Ama na personal na sumasalubong sa sinumang pumapasok doon.

Gayundin naman, ang 2016 ay isang leap year, na nangangahulugang ang Pebrero ay may 29 na araw, kaya may 366 na araw ang taong ito kumpara sa 365 ng karaniwang taon. Nangyayari ang leap year sa kada apat na taon sa modernong kalendaryong Gregorian. Idinadagdag ang leap days upang maisabay ang modernong Gregorian calendar sa pag-ikot ng planeta sa Araw. Kung walang leap day, mahuhuli ng anim na oras ang kalendaryo ng bawat taon.

Leap year man o hindi, at kung kasabay man o hindi ng isang mahalagang jubilee celebration ng simbahan ang 2016, ang Bagong Taon ay nagkakaloob sa oportunidad sa pagpapanumbalik ng kaayusan; sa hangaring makiisa sa ideyalismo ng kapayapaan, paggalang sa pagkakaiba-iba, at kapayapaan. Humuhugot ito ng lakas mula sa mga pagtatagumpay sa nakalipas na taon habang nagbibigay ng pangyayari upang pagmulan ng mahahalagang aral mula sa mga kabiguan at pagkakamali sa nakalipas na taon.

Nawa’y ang mga pagkakamali ng 2015 at mga magiging hadlang sa 2016 ay makatulong upang maturuan tayong maging mapagpakumbaba at aminin na maaari pa nating pagbutihin ang ating mga sarili; bigyan tayo ng lakas ng loob at determinasyon na bumalik sa tamang landas, iwasto ang mga naging pagkakamali, ayusin ang anumang pinsalang naidulot nito, at bigyan tayo ng gabay at talino upang gamitin ang mga espesyal nating katangian na aalalay sa atin sa pagsasakatuparan ng ating mga pangarap at hinahangad para sa 2016. Magtiwala tayo na sa tulong ng Divine Providence, mapagtatagumpayan natin ang anumang balakid na pipigil sa atin.

Nawa’y ihatid ng 2016 ang mga biyaya ng pag-asa, kapayapaan, pagmamahalan, at kasaganaan sa bawat isa. Manigong Bagong Taon sa lahat!