DASMARIÑAS, Cavite – Iniimbestigahan ng pulisya ang pagkakatagpo sa isang 12-anyos na lalaki habang nakabigti sa bodega ng isang bahay sa Barangay Paliparan III sa siyudad na ito, nitong Martes.
Ang bata ay mag-aaral sa Grade 4 at residente ng Mabuhay City, Bgy. Paliparan III.
Hindi na umabot nang buhay ang paslit sa Saint Paul Hospital sa Burol II, Bagong Bayan, sa lungsod na ito.
Unang napaulat na nagpakamatay ang bata, hanggang matuklasan ng pulisya ang mga marka ng “physical abuse” sa katawan nito.
Hindi itinanggi ni Supt. Joseph Reyes Arguelles, acting chief ng Dasmariñas City Police, na posibleng may foul play sa pagkamatay ng bata.
“May mga marka ng physical abuse (sa katawan ng bata), hindi pa natin makumpirma, wala pang definite sa ngayon.
Hinihintay pa natin ang autopsy report,” sabi ni Arguelles. Tumanggi siyang magbigay ng karagdagang detalye, dahil nagsimula na ang imbestigasyon.
Sa report ni PO1 Ellaine A Magsino, ng Women’s and Children’s Protection Desk (WCPD), iniulat ni Clifford Palomar, security guard, sa pulisya, dakong 7:30 ng gabi nitong Martes, na isang biktima ng pagpapakamatay ang dinala sa ospital.
Sa paunang imbestigasyon ni Magsino, nabatid niyang isang Jezedel, 25, ang nakatagpo sa bata na nakabigti.
Sinabi ni Magsino na walang ideya ang mga kaanak ng bata kung bakit ito magpapakamatay. (ANTHONY GIRON)