PARIS, France (AFP) – May kabuuang 110 mamamahayag ang pinatay sa buong mundo noong 2015, sinabi ng Reporters Without Borders (RSF) noong Martes, nagbabala na mas marami ang sinadyang targetin dahil sa kanilang trabaho sa mga ipinapalagay na mapayapang bansa.

Animnapu’t pitong mamamahayag ang pinatay habang tumutupad sa kanilang tungkulin ngayong taon, at 43 iba pa ang namatay sa mga kaganapang hindi pa malinaw, sinabi ng watchdog group sa kanyang taunang pagbilang. Karagdagang 27 non-professional “citizen-journalists” at pito pang media worker ang pinaslang din.

Partikular na binigyang pansin ng ulat ang lumalaking papel ng “non-state groups” — kalimitan ay mga jihadist katulad ng Islamic State group — sa pagsagawa ng mga karahasan laban sa mga mamamahayag.

Noong 2014, ayon dito, two-thirds ng mga mamahayag ang pinatay sa mga war zone. Ngunit noong 2015, kabaligtaran ito: “Two-thirds were killed in countries ‘at peace’.”

Internasyonal

Katy Perry, pumunta sa outer space kasama ng iba pang all-female crew

“The creation of a specific mechanism for enforcing international law on the protection of journalists is absolutely essential,” sabi ni RSF Secretary General Christophe Deloire.

Ang ginigiyagis ng digmaan na Iraq at Syria ang pinakamapanganib na lugar sa mundo ngayong taon para sa mga mamamahayag, sa 11 at 10 pinatay, ayon sa pagkakasunod, iniulat ng RSF.

Pumangatlo sa listahan ang France, kung saan walong mamamahayag ang pinatay sa pag-atake ng mga jihadist noong Enero sa mga opisina ng satirical magazine na Charlie Hebdo na ikinagimbal ng mundo.

“It was an unprecedented tragedy,” sabi ng RSF. “A western country had never suffered a massacre of this kind in the past.”

Sa Syria, ang hilagang bayan ng Aleppo ay inilarawan na “minefield” kapwa para sa mga professional at citizen-journalists.

Kabilang sa mga pinatay sa Syria ang Japanese freelance reporter na si Kenji Goto, na ipinakita ng grupong Islamic State group sa nakaririmarim na video noong Enero.

INDIA, ‘DEADLIEST’ SA ASIA

Binanggit din ng RSF report ang India, kung saan siyam na mamamahayag ang pinaslang, ilan sa kanila ay nag-uulat tungkol sa organised crime at ang kaugnayan dito ng mga pulitiko habang ang iba pa sa pagbalita tungkol sa illegal mining.

Sa Bangladesh, apat na secularist blogger ang pinatay sa mga krimen na inako ng mga lokal na jihadist.

Itinutok din ng ulat ang spotlight sa 54 na mamahayag na dinukot sa pagtatapos ng 2015, 26 sa kanila ay nasa Syria, at 153 mamamahayag na ikinulong, 23 sa kanila ay nasa China at 22 sa Egypt.