Isang tricycle driver ang namatay matapos siyang tambangan at pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa labas ng covered court sa Valenzuela City, nitong Lunes ng gabi.

Dead on the spot si Antonio Badal Jr., dahil sa mga tama ng bala ng .9mm sa kaliwang leeg at pisngi.

Agad na tumakas ang salarin sakay ng motorsiklo, at hindi ito namukhaan dahil sa suot na helmet.

Kuwento ng saksing si Rodner Francisco, dakong 8:15 ng gabi at nagkukuwentuhan sila ng biktima sa labas ng THOA basketball covered court sa Tanada sa Barangay Gen. T. De Leon nang napansin nilang paikut-ikot sa lugar ang isang lalaki na sakay sa motorsiklo.

‘Immortal love?’ Enrile at misis nagdiwang ng 67th wedding anniversary

Kalaunan, lumapit ito kay Badal at malapitan itong binaril.

Ayon pa kay Francisco, walang kagalit si Badal, bagamat nakipagrambulan ang basketball team nito sa koponan ng isang nagngangalang “Batang” nitong Linggo.

Aniya, nagkasagutan sina Badal at Batang at hindi nagkasundo hanggang sa matapos ang rambulan.

Nag-iimbestiga na ang awtoridad sa motibo sa pagpatay sa biktima. (Orly L. Barcala)