Hindi na umabot pa sa Bagong Taon ang isang 25-anyos na binata makaraan siyang barilin ng hindi nakilalang suspek habang nakatayo sa harap ng bahay ng isang kaibigan sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Tinangka pang isalba ng mga doktor sa Gat Andres Bonifacio Hospital si Elmer Meneses, ng 1202 Madrid Street, Tondo, Maynila, ngunit nalagutan din ito ng hininga matapos ang ilang oras dahil sa tama ng .45 caliber pistol sa ulo.

Inaalam naman ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng tumakas na suspek na inilarawang may taas na 5’10”.

Lumilitaw sa report ni Det. Dennis Turla, ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, na dakong 12:02 ng umaga nang mangyari ang insidente sa harap ng ELEK Hardware sa kanto ng Del Pan at San Placido Streets sa Tondo.

‘Immortal love?’ Enrile at misis nagdiwang ng 67th wedding anniversary

Bago ang krimen, nag-uusap ang biktima, isang Jerick Gerald Pao, 29; at Carlito Laureano, 49, sa bahay ng huli hinggil sa plano nilang pagbebenta ng kalapati.

Makaraan ang ilang sandali ng pag-uusap, tumayo ang dalawa nitong kaibigan para umihi habang ang biktima ay lumabas ng bahay.

Habang nakatayo ay bigla na lang sumulpot ang suspek sa isang madilim na bahagi ng eskinita at binaril sa ulo ang biktima. (Mary Ann Santiago)