KINUMPIRMA ng survey ng Social Weather Stations (SWS) ang sarili kong pagtaya sa 2015, na nalathala sa pahayagang ito noong nakaraang linggo.

Ayon sa survey noong Disyembre 5-8, 72 porsiyento ng mga Pilipino ang umaasang magiging maligaya ang Pasko. Pitong porsiyento lang ng participants ang nagsabing magiging malungkot ang Pasko 2015.

Ayon sa SWS, ito na ang pinakamataas na antas ng kaligayahan sa Pasko sa loob ng 12 taon, mula nang maitala ang 77% noong 2003.

Ang positibong pananaw sa pagtatapos ng taon ay nagpapalaki sa posibilidad na magiging maganda ang 2016. Sa katunayan, mas mabilis ang inaasahang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas, taliwas sa 2015.

Sinabi ng Asian Development Bank (ADB), na kamakailan ay ibinaba ang inaasahang paglago ng ekonomiya sa 2015 sa 5.9% mula sa 6%, na lalago ang ekonomiya ng 6.3% sa 2016, sa panukat na Gross Domestic Product (GDP).

Sinabi naman ng Organization for Economic Cooperation and Development (OECD) na sa limang pangunahing ekonomiya sa ASEAN, Pilipinas ang may pinakamagandang hinaharap sa 2016, at inaasahang lalago ng 6.0% ang ekonomiya nito.

Tinukoy ng 2016 edition ng “OECD Economic Outlook for Southeast Asia, China and India” ang malakas na pamilihang lokal sa Pilipinas, na itinataguyod ng remittances mula sa mga Pilipino sa ibang bansa.

Sa aking pananaw, mas mabilis na uunlad ang ekonomiya sa taong papasok, kung magpapatuloy ang pamahalaan sa malakas na paggugol para sa imprastruktura. Tumaas ng 6.1% ang GDP sa third quarter ng 2015 mula sa 5.8% sa second quarter dahil sa 17.4% paglaki ng government consumption, kumpara sa 3.0% sa second quarter at 4.8% sa first quarter.

Sa 2016, may nakalaang P357 bilyon ang Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa mga proyekto sa imprastruktura.

Kung aalalahanin, ang pagtaas ng GDP sa unang semestre ng 2013, na idinaos ang pambansang halalan, ay mataas, ngunit bumaba ito sa ikalawang semestre. Ang GDP ay tumaas ng 7.3% sa first quarter at 7.9% sa second quarter, ngunit bumaba sa 6.5% sa third quarter bago nakabawi sa 7.1% sa fourth quarter.

Sa kabuuan, ang lahat ng katangian sa malakas na ekonomiya ay nasa Pilipinas. Nasa atin ang oportunidad na muling pabilisin ang pagsulong ng ekonomiya, kaya malakas ang aking loob na bumati ng “Manigong Bagong Taon!”

(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph. (MANNY VILLAR)