ATIMONAN, Quezon – Isang lalaking lasing ang aksidenteng napatay ng kanyang nakatatandang kapatid matapos silang magpambuno dahil sa pag-aakala ng huli na siya ang sinabihan ng “supot” ng kanyang kapatid sa Barangay Santa Catalina sa bayang ito, noong Pasko.

Kinilala ng pulisya ang napatay na si Joel R. Igot, 39, habang ang suspek ay si Romil R. Igot, 42, kapwa ng nasabing lugar.

Ayon sa report, dakong 9:00 ng gabi nang sumigaw ang lasing na si Joel ng “supot” sa isang hindi nakilalang barangay tanod na nang panahong iyon ay malapit sa kanya.

Umiihi noon si Romil malapit sa kapatid at inakala niyang siya ang tinutukso ng kapatid, hanggang linawin umano ng biktima na supot ang “ninong” ng kapatid.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Pagkatapos, lumapit umano si Joel sa kapatid at kinagat ito sa mukha, kaya nagpilit si Romil na makawala hanggang mapalupasay sila sa semento.

Sinasabing sa kanilang pagbubuno ay napailalim ng suspek ang biktima at nabagok ang ulo nito sa isang bato sa kalsada.

Binawian ng buhay ang biktima habang ginagamot sa ospital, habang sumuko naman sa barangay ang suspek.

(Danny J. Estacio)