MAKALIPAS ang ilang taon bilang mag-asawa, muli kong nakaulayaw ang isa sa mag-asawang aking ikinasal. “Kumusta ang inyong pagsasama bilang mag-asawa?” tanong ko sa kanila. “Father, nadiskubre ko po na may tatlong ring sa pag-aasawa.” “Ngayon ko lang ito narinig,” sagot ko. “At anu-ano ang tatlong ring na ito?”

Nakangiting sumagot ang lalaki: “Una, engagement ring; pangalawa, wedding ring; at pangatlo, suffe-ring!” At dinugtungan naman ito ng babae at sinabing: “may pang-apat pa po, father.” Sabay sabing: “Kung ang asawa ay may ‘tiri-ring’.”

Kahit na ito ay pabirong sinabi, naroon pa rin ang katotohanan. Talagang ang pag-aasawa, matapos ang mga bulaklak, tunog ng kampana, photo sessions, honeymoon, ay hindi puro saya at sarap. Gayunman, kung may “sharing” (ikalimang ring) sa pagitan ng mag-asawa, walang duda na ang bigat ng pagsubok na kanilang pinagdadaanan ay gagaan.

Bukas ay Holy Family Sunday. Ang mga magulang ni Jesus na sina Maria at Jose ay naghati sa paghihirap na mapalaki si Jesus kahit na alam nila na ang kanilang Anak ay hindi ordinaryong bata.

Halimbawa, ang sanggol na si Jesus ay nanganganib dahil gusto siyang patayin ni Haring Herodes sa takot na maagawan siya ng kaharian. (Matthew 2,19-23).

Nagtungo ang kanilang pamilya sa Ehipto; kayat sina Jesus, Maria at Jose ay naging “displaced persons.”

Isang kaibigan ang nagsabi sa akin, “Ang una kong inaalam sa isang lalaki o babaeng may asawa na ay hindi sa kung gaano siya katagumpay bilang isang abogado, negosyante, o propesyonal kundi kung gaano siya katagumpay bilang isang buhay may asawa.

“Kung sila ay bigo sa buhay bilang may pamilya, ikinokonsidera ko silang bigo.”

****

PAGSUNOD SA MAGULANG. Ang misyon ng mga bata ay galangin, respetuhin at sundin ang kanilang mga magulang. Ang salitang FAMILY ay nangangahulugang “Father And Mother I Love You.”

Ang mga magulang ay ang mga cooperator at representative ng Diyos. Hindi sila perpekto. Sa kabila nito, kinakailangan silang galangin, respetuhin at sundin ng kanilang mga anak dahil sila ang napili ng Diyos upang magsilbing gabay. (Fr. Bel San Luis, SVD)