Ni REGGEE BONOAN

kris, josh at bimby
kris, josh at bimby
DALAWANG oras lang pala ang itinagal ni Kris Aquino at ng anak niyang si Bimby Aquino Yap sa Metro Manila Film Festival Parade of Stars noong Miyerkules bilang pangunahing bida sa All You Need is Pag-Ibig. Bawal nga kasing mababad nang matagal sa araw ang TV host/actress dahil maaari nitong ma-trigger ang hypertension niya.

Ini-reveal ni Kris sa nakaraang solo presscon niya na pinoproblema niya kung paano siya makakasama sa Parade of Stars dahil pinagbawalan siya ng doktor niya na mainitan lalo na kung tirik na tirik ang araw.

Natatawang kuwento ni Kris, nagprisinta ang mga ate niya na sila na lang ang proxy niya sa parade, “As if naman may interesado sa kanila, ha-ha-ha,” nagbibirong sabi ng Queen of All Media.

Tsika at Intriga

98% ng buhok, nalagas na; Doc Willie may mensahe sa kabataan, mga magulang

Pero nagpapasalamat si Kris na medyo okay na ang health niya bagamat pinagbawalan na rin siya sa pagkain ng lechon at fried chicken na pareho niyang paborito.

Once a week na lang daw siya puwedeng kumain ng mga nabanggit at alternate ang fish at gulay na sinusunod niya talaga.

Naikuwento nga sa amin ng personal assistant ni Kris na si Alvin Gagui na kumain ng tuyo ang TV host/actress kinahapunan bago namin nakausap dahil hindi na puwedeng laging karne.

Nabanggit din ni Kris na bawal na rin siyang magpuyat para maiwasan ang pagtaas ng blood pressure niya.

Samantala, tuwang-tuwa si Kris sa mga anak niya dahil likas na napakabait kaya maging ang mga ate niya ay hangang-hanga kung paano niya napalaking magalang sa lahat ng tao.

“Mga kapatid ko nga sinasabi, ‘’yung pinaka-brat sa atin naka-produce ng mababait na anak, paano nangyari ‘yan?’ Na ganu’n kabait sa nanay, masunurin, mabait sa lahat at nagsi-share and all that. Sabi nga nila, ‘How did you do it?’ Sabi ko, “My mom (ex-President Cory Aquino),” masayang kuwento ni Kris.

Oo nga naman, dahil formative years ng panganay na anak ni Kris na si Joshua ay si dating Presidente Corazon Aquino ang kasama hanggang sa huling hininga nito.

Samantalang si Bimby naman ay laging kasama ni Kris at panay ang gabay niya ng tama kahit na nasa trabaho.

At higit sa lahat, nakikita ni Bimby kung paano makisama ang ina sa lahat ng taong nakakasalamuha nito.

Anyway, ngayong araw ang alis ng mag-iinang Kris, Josh at Bimby at isang yaya papunta sa kanilang bakasyon. Kuwento sa amin, sinadya na isang yaya lang at walang kasamang bodyguard ang kasama ng mag-iina para matutong tumayong mag-isa ang magkapatid na Josh at Bimby na walang yaya dahil hindi naman habambuhay na may mga kasama sila.

Tama rin naman ang ginagawang training ni Kris para sa mga anak para kahit wala siya kapag nagta-travel sila ay kaya nina Josh at Bimby ang sarili nila.