MULING nasuot ng Pilipinas ang korona ng kagandahan matapos ang 42 taon nang magwagi bilang Miss Universe si Pia Alonzo Wurtzbach na idinaos sa Planet Hollywood Resort and Casino, Las Vegas, Nevada.

Taong 1973 pa nang huling nanalo ang Pilipinas sa katauhan ni Margie Moran na ngayo’y may tatlong anak na. Ang unang naging Miss Universe ay si Gloria Diaz noong 1969. Sumakatuwid, pangatlo si Bb. Pia na nakapag-uwi ng korona ng Miss Universe na muntik nang mapunta kay Miss Colombia na si Adriada Gutierrez dahil sa pagkakamali ng host na si Steve Harvey.

Congratulations sa’yo Pia dahil muli mong pinatunayan na ang mga Pinay ay talagang magaganda samantalang dakilang mangingibig naman ang mga lalaking Pilipino dahil nasungkit ni Virgilio Hilario ang puso ng kauna-unahang Miss Universe na si Armi Kuusela ng Finland. Masungkit naman kaya ni PNoy ang puso ni Miss Pia?

****

Unang hamunan ay sampalan, sumunod ay suntukan at pangatlo ay gun duel. Dahil nahimasmasan yata at natauhan ang dalawang presidential protagonist na sina ex-DILG Sec. Mar Roxas at Davao City Mayor Rodrigo Duterte bunsod ng mga komento ng netizens at ng mamamayan, itinigil nila ang pagbabangayan na parang mga sanggano. Sabi nga ni ex-Pres.

Fidel V. Ramos, ang tunay na leader ng bansa ay hindi nakukuha sa hamunan at awayan kundi sa kanilang plataporma at adbokasiya para sa bayan.

Sa bandang huli, naghamon na lang ng debate si Mar kay Digong upang malaman ng bayan ang kanilang mga gagawin kung sakaling sila ay mahalal bilang pangulo. Kinasahan ito ng machong alkalde noong una at handa raw siyang makipag-debate kay Roxas ng kahit anong “paksa o isyu sa ilalim ng araw.”

Ngunit, nagback-out si Duterte sa debate sa katwirang dapat munang magpataas ng survey ratings si Roxas na nasa ikaapat na puwesto sa SWS at Pulse Asia surveys para labanan niya. Ayaw umano niyang makipagtalo sa katulad ni Mar na kulelat at hindi naman daw graduate ng Wharton School of Economics.

Dahil sa pag-atras ni Digong sa debate challenge ni Mar, tinawag siya ni Roxas na “chicken”. Sabi niya: “Masyado siyang masalita at panay ang hamon. Sa slapping challenge umurong, sa fistfight challenge umatras din, sa hamunang debate, atras uli, bahag ang buntot.”

****

Sa wakas, magiging Santa na si Mother Teresa sa Setyembre 2016. Si Pope Francis ang magdedeklara sa kanya bilang Santa ng Simbahang Katoliko. Dalawang milagro sa pamamagitan ng kanyang intercession ang naging patunay upang kilalanin si Mother Teresa na isang banal. Dalawang may malubhang karamdaman ang gumaling matapos sambitin ang kanyang pangalan at intercession. (Bert de Guzman)