KLEA copy copy

SINA Klea Pineda at Migo Adecer ang tinanghal na ultimate survivors sa final judgement ng ikaanim na season ng Starstruck 6 na isinagawa sa GMA Studio last Saturday.

Nag-uwi sina Migo at Klea ng premyong tig-P1M, house and lot at network contract sa GMA Network. Agaran din silang isasama sa cast ng remake ng Encantadia.

Nakatunggali nila sa finale sina Ayra Mariano at Elyson de Dios, ang itinanghal namang first prince at first prince.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Bago umabot sa Final 4, nakasama nila sa Final 14 sina Avery Paraiso, Arra San Agustin, Analyn Barro, Jay Arcilla, Liezel Lopez, Princess Guevarra, Joemari Nielsen, Koreen Medina, James Teng, at Kevin Sagra.

Ibinatay ang pagkakanalo nina Migo at Klea sa nakuhang puntos sa kanilang challenges at mula sa televiewers sa pamamagitan ng text at online voting.

Isa sa highlights sa Starstruck final judgement ang magagandang payo ng council members, lalo na ang sinabi ng filmmaker na si Maryo J. delos Reyes na ang pag-aartista ay hindi lamang raket kundi isang trabaho na nangangailangan ng dedikasyon. Kaya ang sinumang gustong magtagumpay sa larangang ito, kailangang magkaroon ng focus upang hindi mainip o mabaling ang pansin sa ibang bagay – tulad ng masamang bisyo.

Nakasama ni Direk Maryo as council members sina Regine Velasquez, at Jennylyn Mercado.

Bukod sa production number ng Final 4, nagkaroon din ng special number sina Regine at Alden Richards. Nagsimula rin sa Starstruck si Alden pero hindi nakapasok sa 14 contenders.

Ang past ultimate survivors ng Starstruck ay sina Mark Herras at Jennylyn Mercado (Season 1); Mike Tan at Ryza Cenon (Season 2); Jackie Rice at ang namayapang si Marky Cielo (Season 3); Aljur Abrenica at Jewel Mische (Season 4) at Steven Silva at Sarah Lahbati (Season 5). (DINDO M. BALARES)