BUKOD sa sobrang trapik na nga sa buong Araneta Center, Cubao nitong nakaraang Huwebes ay sumabay pa ang sobrang dami ng tao patungong Kia Theater para sa free thanksgiving concert ng On The Wings of Love lead stars na sina Nadine Lustre at James Reid na “Taste Forever Love”.

Umabot sa 80% ang naokupang mga upuan sa Kia Theater at nasaksihan namin kung gaano ka-wild ang JaDine supporters nang lumabas si James kaya nag-alisan ang mga katotong nakaupo sa harap sa takot na magkaroon ng stampede.

Nakabibingi ang mga tilian at hiyawan nila sa loob ng Kia Theater at ‘yung iba ay pawis na pawis na sa kalulundag gayong ang lamig sa venue.

Bago tinawag si James ay may solong production number muna si Nadine kasama ang ilang dancers at nagpa-games din sila kaya sobrang enjoy ang lahat ng dumalo dahil personal nilang nahawakan at nabeso-beso ang kanilang idolo.

Tsika at Intriga

Jude Bacalso, nanindigang valid complaint pagtawag ng 'Sir' sa kaniya ng waiter

Halos magiba na ang venue nang ipakita ang ilang eksena nina James at Nadine sa On The Wings of Love kaya napilitan kaming lumabas sandali at nagpalipas ng ilang minuto sa hallway ng teatro.

Ang ganda ng naisip ng Jollibee na iniendorso ng JaDine na bago matapos ang 2015 ay nagpa-free concert sila with guest Juan band para sa loyal customers nila.

Nagsimula ang show ng 8 PM at natapos ng 10:30 at ang taas-taas pa rin ng enery ng JaDine dahil nagawa pa nilang magkaroon ng meet and greet pagkatapos ng show.

No wonder, enjoy na enjoy ang Dreamscape Entertainment at sina Direk Antoinette Jadaone at Jojo Saguin na katrabaho sina James at Nadine dahil kahit sumisikat na ang araw ay ang taas pa rin ng energy ng dalawa, parang walang kapaguran at go lang nang go kahit na anong ipagawa.

Ganoon kamahal ng JaDine ang trabaho nila at sinasamantala nila ang break na ibinigay sa kanila ng ABS-CBN, kaya naman ka-level na halos nila ang KathNiel.