May 22, 2026

Home BALITA

Rep. Diokno suportado Ombudsman sa lifestyle check, pagbusisi sa SALN ng mga kongresista

Rep. Diokno suportado Ombudsman sa lifestyle check, pagbusisi sa SALN ng mga kongresista
Photo Courtesy: Chel Diokno (FB)

Naghayag ng suporta si Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno sa Ombudsman para sa pagbulatlat nito ng  statements of assets, liabilities and net worth (SALN) ng mga mambabatas at pagsailalim sa lifestyle check ng 26 niyang kabaro na sangkot sa maanomalyang flood control projects.

Sa X post ni Diokno nitong Lunes, Abril 20, sinabi niyang kinakailangan umanong maibalik ang tiwala ng taumbayan sa gitna ng mga anomalya.

“Suportado natin ang hakbang na ito. Sa gitna ng flood control anomalies, kailangang maibalik ang tiwala ng taumbayan sa Kongreso,” saad ni Diokno.

Sa katunayan, ayon sa kongresista, noong nakaraang taon pa umano nagsapubliko ang Akbayan Reform Bloc ng kanilang SALN.

Ani Diokno, “Naghain din tayo ng resolusyon (HR 271) para ilabas ng Secretary General ng House of Representatives ang SALN ng lahat ng miyembro ng Kongreso.”

Sey ng NBI: 'Fugitive Senator Dela Rosa will be arrested whether he likes it or not'

“Malinaw ang ating paniniwala: transparency is essential to rebuilding public trust,” dugtong pa niya.

Matatandaang ipinag-utos na ni Ombudsman Jesus “Boying” Remulla na kunin ang lahat ng kopya ng SALN ng mga miyembro ng Mababang Kapulungan.