May 22, 2026

Home BALITA National

Brice Hernandez, pumaldo ng ₱299M; nilagay sa kahon ng toyo, kape, chips, noodles!

Brice Hernandez, pumaldo ng ₱299M; nilagay sa kahon ng toyo, kape, chips, noodles!
Photo courtesy: File Photo

Kinanta ng liaison officer ng SYMS Construction at inaanak mismo ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) assistant district engineer Brice Hernandez na nakatanggap umano ang huli ng aabot sa ₱299 milyong inilagay sa kahon ng toyo, chips, kape, at noodles noon. 

Ayon sa inilabas na ulat ng Manila Bulletin, kaugnay umano ito sa naging panlalaglag ng inaanak ni Hernandez na si Monica Louis Ocampo-Santos sa kaniyang naging testimonya sa pagdinig ng Sandiganbayan nitong Lunes, Abril 20, 2026, tungkol sa malversation case na kinasangkutan nina dating Sen. Ramon “Bong” Revilla, Jr., at iba pang mga opisyal ng DPWH Bulacan First District Engineering Office sa umano’y maanomalyang flood control projects sa Pandi, Bulacan. 

Ani Ocampo-Santos, inihatid daw niya ang nasabing milyon-milyong perang nakalagay sa kahon ng mga kape, toyo, chips, at noodles sa opisina ni Hernandez noong Mayo 20, 2025, kasama ang tita ng kaniyang asawa na liaison officer din at contractor ng SYMS Construction na si Sally Santos. 

Aniya, kasama na raw sa ₱299 milyong inihatid niya noon kay Hernandez ang ₱74 milyong pondo sa dapat na flood control projects sa Pandi, Bulacan na kinasasangkutan ni Revilla. 

Paliwanag ni Ocampo-Santos, tanging ₱74 lang daw ang inilaan na pondo sa flood control project sa Pandi, Bulacan dahil nabawasan na raw ang ₱92.8 milyong sanang kabuuang pondo sa nasabing proyekto ng 10% na value-added tax (VAT), retention fees, at 3% ng “royalty” ng contractor na si Santos. 

National

PNP, susunod sa kautusan ng DOJ na ipatupad arrest warrant ng ICC vs Sen. Bato

Mariin namang tinanggi ni Ocampo-Santos na naambunan siya ng anomang halaga sa hinatid niyang pera kay Hernandez, maliban na lang umano sa natanggap niyang ₱3,000 para sa gatas ng kaniyang anak. 

Nabanggit din Ocampo-Santos sa kaniyang testimonya na personal niyang nasaksihan ang paghahati ng ₱400 milyon namang halaga kay Hernandez. 

Nagkaroon umano siya ng matibay na koneksyon sa mga opisyal ng DPWH dahil ninong nila sa kasal ang mga binansagang “BGC boys” na sina Hernandez, dating DPWH district engineer Henry Alcantara, Jaypee Mendoza, at iba pa.