ALBERT copy

PARANG hindi tumatanda si Albert Martinez, at kitang-kita ito nang makaharap siya sa isang no holds-barred pocket presscon with some entertainment press sa bagong B Hotel sa Scout Rallos, Quezon City. 

Kahit halos wala nang tulog dahil sa dalawang teleserye na kanyang ginagawa sa ABS-CBN, ang afternoon drama na All of Me na tanggap na tanggap ng televiewers ang 21 year-old leading lady niya na si Yen Santos at ang FPJ’s Ang Probinsiyano na kontrabida kay Coco Martin ang role niya.

Pinangatawanan ni Albert ang kanyang sinabi na lahat ng tanong ay sasagutin niya. Inamin niya na hanggang ngayon ay nahihirapan pa rin siyang maka-move-on sa pagpanaw ng asawang si Liezl Martinez. Ganoon din ang hindi pa niya nadadalaw na mother-in-law niyang si Amalia Fuentes na na-stroke sa South Korea at recovering na simula nang umuwi sa bansa.

BALITAnaw

BALITAnaw: Ang dalawang babaeng naging pangulo ng Pilipinas

Kung malungkot man ang kanyang personal na buhay, career-wise ay masaya siya dahil pareho ngang successful ang dalawa niyang soap sa ABS-CBN.

Hindi ba niya iniisip na baka i-link sila off-camera ni Yen Santos? Mag-aasawa ba uli siya?

“Hindi ko rin masabi,” sagot ni Albert. “I’m only 54, but right now hindi ko iniisip ‘yon. Mas gusto ko nga magkaapo na, kasi nami-miss ko ‘yung may bata sa bahay. Eh, kaso ang mga anak ko, wala pang balak mag-asawa. Si Alyanna is now 30, si Alfonso, 29 at si Alyssa, 22 na. Pare-pareho na silang may boyfriend, girlfriend, na-meet ko na rin sila and their parents, pero wala pang may gustong mag-asawa. Isa pa, hindi ko alam kung paano tatanggapin ng mga anak ko sakaling gusto kong mag-asawa muli.”

Kung may magparamdam daw sa kanya, magiging cautious siya, siya na ang iiwas, dahil ayaw din niyang makasakit ng damdamin ng iba. 

Aminado si Albert hindi pa niya kayang palitan ang asawa na patuloy pa niyang napapanaginipan, tatlong beses na, at “she’s very beautiful in my dreams.”

Ngayong Christmas, bukod sa isang Christmas Tree, hindi sila naglagay ng anumang decors sa bahay, na sa loob ng maraming taon ay si Liezl ang gumagawa. Pero tuloy pa rin ang family pictorial nila na taun-taon nilang ginagawa.  Iyong nakaugaliang nilang Christmas Eve dinner sa pamilya nina Tony Cojuangco at Gretchen Barretto, itutuloy pa rin nila. Siguro raw, sa bahay na lamang sila sama-sama on Christmas day.

Tuloy pa rin ang nakagawian nilang trip abroad next year. Bago nawala si Liezl, nagpunta sila sa Europe, Dubai at Japan. Hindi pa sila nagpaplano kung saan sila pupunta pero mangyayari ito sa July, kapag tapos na ang taping niya ng Ang Probinsiyano. Ang All of Me ay matatapos sa March, at gusto niyang makahanap ng isang feel-good story na puwede niyang i-produce para sa kanila ni Yen.

Hindi inilihim ni Albert na ang susuportahan niyang Presidente sa 2016 ay si Senator Grace Poe na ibinilin sa kanya ni Liezl. Kung hindi raw matutuloy si Sen. Poe dahil sa disqualification issue, hahanap siya ng iba na makapagbibigay ng bagong airport at makatatanggal ng traffic. (NORA CALDERON)