Tinalo ng defending champion San Beda College ang reigning NCAA champion Letran, 94-72 upang makamit ang isa sa dalawang titulo bilang co-champion ng 2015 National Collegiate Championship, kahapon sa San Juan Arena.

Kabaligtaran ng kanilang naging dikdikang NCAA Season 91 finals series, hindi manlang naging dikit ang laban ng Red Lions at ng Knights kahapon sa dapat sana’y semifinals match pa lamang ng torneo.

Simula pa lamang ay iniwan na kaagad ng San Beda ang Letran, 26-9, at hindi na muling lumingon upang makamit ang tagumpay.

Tatanghaling co-champion ng Red Lions ang magwawagi naman sa isa pang laban sa pagitan ng UAAP champion Far Eastern University at Cesafi titlist University of San Carlos dahil na rin sa desisyon ng Philippine Collegiate Champions League na tanghaling co-champions ang dalawang magwawagi sa semifinals na kasalukuyan pang naglalaro habang sinusulat ang balitang ito.

Filipino Olympian Hergie Bacyadan wagi kontra Chinese kickboxer; sinungkit gintong medalya

Nanguna para sa Red Lions si Davon Potss na nagtala ng 11 puntos, habang nag-ambag naman ng tig-9 na puntos sina Donald Tankoua, Roldan Sara, Ranbill Tongco, AC Soberano at Cawin Oftana.

Sa kabilang dako, tumapos namang topscore para sa Knights si Jeric Balanza na may 15 puntos kasunod si Rey Nambatac na may 12 puntos. (Marivic Awitan)