Umiinit ang sagutan sa pagitan ng magkatunggaling presidentiable na sina Mar Roxas at Davao City Mayor Rodrigo Duterte.

Tinanong ng mga reporter si Roxas kung paanong lumaki ang sinasabing “myth of Davao” na tahimik at payapa ngunit nailathala sa datos ng Philippine National Police (PNP) na mataas pala ang crime rate sa siyudad, ngunit tumanggi na si Roxas na magkomento rito.

“Siguro kayo na rin sa media ang makakasagot nun, ‘di ba?” pahayag ni Roxas.

Naitanong din ng mga reporter kay Roxas kung napag-usapan ba nila ni Duterte dati ang mga alegasyon na nag-uugnay dito sa vigilante group na Davao Death Squad at mga salvaging ng mga kriminal.

National

4 na senador, binawi ang pirma sa Adolescent Pregnancy Bill

“Tinanong ko sa kanya ‘yung mga akusasyon o pahayag na may mga pinatay siya na para sa disiplina. Ang sagot niya sa akin ay wala, wala siyang pinapatay na tao,” kuwento ni Roxas.

Taliwas ito sa pahayag ni Duterte kalian lamang na dadami ang mamamatay kapag maging presidente siya, kasabay ng pag-amin na may tatlo siyang taong pinatay sa isang operasyon.

Hindi rin daw sang-ayon si Roxas sa paraan ni Duterte sa peace and order. “Ako ay para sa batas. Hindi ako naniniwala sa shortcut,” idineklara ni Roxas.

Malaki ang diperensiya nito sa pamamalakad ni Duterte na “shoot to kill” lagi ang utos sa pulisya kahit snatcher ang pinag-uusapan.

“Naniniwala ako na lahat ay dapat pantay sa mata ng batas at kahit sino ka pa o kahit pangulo ka pa, kahit sino ka ay walang taong may karapatan na pumatay ng tao,” giit ni Roxas. (Beth Camia)