Lalong lumalabo ang tsansa ni Senator Grace Poe-Llamanzares na kumandidato sa 2016 presidential elections.
Ito ay matapos kanselahin ng isa pang sangay ng Commission on Elections (Comelec) ang certificate of candidacy (CoC) ng senadora, na nangangahulugan ng muling pagdiskuwalipika rito sa presidential race.
Sa botong 2-1, kinansela ng Comelec First Division ang CoC sa pagkapangulo ni Poe, batay sa pinag-isang petisyon nina dating Senator Francisco “Kit” Tatad, dating University of the East Law Dean Amado Valdez, at De La Salle University (DLSU) Professor Antonio Contreras.
Sa desisyon ng Comelec, sinabi nito na kulang sa residency requirement si Poe upang kumandidato sa pagkapangulo.
Ginamit na basehan ng poll body ang CoC na inihain ni Poe noong kumandidato siya sa pagkasenador noong 2013, nang isinaad niya na residente siya ng Pilipinas sa loob ng anim na taon at anim na buwan.
Nangangahulugan ito na sa Mayo 9, 2016 ay siyam na taon at anim na buwan pa lang na naninirahan sa Pilipinas si Poe.
Alinsunod sa batas, ang isang kandidato sa pagkapangulo ay dapat na nakatupad sa 10-year residency requirement.
Una nang sinabi ng kampo ni Poe na nagkamali lang ang senadora sa pag-compute sa kanyang period of residency sa Pilipinas nang maghain ng CoC sa pagkasenador, ngunit hindi ito pinakinggan ng poll body.
“It is indeed incredible to think that Respondent, a well-educated woman and already then a public servant with full staff support, including a legal team, would not know how to correctly declare the facts material to her candidacy for the 13 May 2013 Elections,” saad sa desisyon ng Comelec. (MARY ANN SANTIAGO)