Dapat na bigyan ng kompensasyon ng gobyerno ang mga biktima ng mga tauhan ng airport security na sangkot sa “tanim-bala” dahil sa perhuwisyo at trauma na sinapit ng mga ito sa nabanggit na extortion racket, ayon kay Senator Francis “Chiz” Escudero.
Ito ang apela ni Escudero sa administrasyong Aquino kasunod ng pormal na paghahain ng National Bureau of Investigation (NBI) ng mga kaso laban sa dalawang tauhan ng Office for Transportation Security (OTS) ng Department of Transportation and Communications (DoTC) at apat na miyembro ng Philippine National Police-Aviation Security Group (PNP-AvseGroup) dahil sa pagkakasangkot ng mga ito sa nabanggit na scam.
“Nakumpirma nitong totoong may ganitong modus operandi sa ating mga international airport, at hindi simpleng media hype lang gaya ng sinasabi ng ilang kampo,” sabi ni Escudero, na independent na kandidato sa pagka-bise president sa eleksiyon sa 2016.
Hinimok ni Escudero ang gobyerno na magkaroon ng sistema upang mabigyan ng kompensasyon ang mga pasaherong nabiktima ng “tanim-bala”.
“Na-delay o na-miss ng mga biktima ang kanilang flights, at nagbayad pa sa kasalanang hindi naman nila ginawa,” paliwanag ni Escudero. “Siguro naman kahit na bigyan na lang sila ng gobyerno ng financial aid bilang paraan ng compensation.” (Hannah L. Torregoza)