NGAYON ang Kapistahan ng Our Lady of Guadalupe. Bagamat ang debosyon sa Pinagpalang Birheng Maria sa ilalim ng kanyang pangalan ay nag-ugat sa Southern America, malapit siya sa puso ng mga Pilipino dahil ang Our Lady of Guadalupe ang ikalawang patron ng Pilipinas.
Taglamig ng 1531 nang dumanas ng milagro ang mahirap na 57-anyos na Aztec Indian na si Juan Diego habang naglalakad siya patungo sa dadaluhang misa sa umaga. Nakatira may limang milya ang layo sa Mexico City, nakarinig si Juan Diego ng boses ng babae na tumatawag sa kanyang pangalan mula sa tuktok ng burol ng Tepeyac. Umakyat siya sa burol upang malaman kung sino ang tumatawag sa kanya at nakita niya ang isang babae, na hitsurang katutubo sa pananamit at anyo.
Nagpakilala ang babae bilang si Birheng Maria, at sinabi kay Juan Diego na hilingin sa obispo ng Mexico na magtayo ng isang simbahan sa burol upang maipahayag ang mga mensahe para sa bansa, at magsilbing konsolasyon ng mamamayan.
Nagduda ang obispo sa mensaheng ito at sinabi ito ni Juan Diego sa Babae na inutusan siyang bumalik sa obispo bitbit ang mga simbolo ng milagro. Himala namang bigla na lamang nagsulputan ang mga rosas sa burol, sa kalagitnaan ng taglamig, at kinolekta ni Juan ang mga bulaklak at binalot sa kanyang damit na pangginaw. Sinasabing mismong si Birheng Maria ang nag-ayos ng mga rosas sa pangginaw ni Juan, at nagbalik ang huli sa obispo. Nang iladlad ni Juan ang pangginaw, nahulog sa sahig ang mga rosas, at sinasabing naiwan sa pangginaw ang imahe ng Birheng Maria.
Sa ngayon, dagsa ang pilgrims na bumibisita sa shrine upang magbigay-pugay sa Ina ng Diyos at hilingin ang pananalangin nito para sa katuparan ng kanilang mga ipinagdadasal sa Diyos. Ang kanyang simbahan sa Guadalupe, Mexico, ay dinarayo ng mga nais maginhawahan sa kanilang mga pagdurusa at pisikal na karamdaman.
Sa ating pagdiriwang ng kapistahan ngayong taon ng Eukaristiya at Pamilya at habang ipinagdiriwang natin ang Jubilee of Mercy, namnamin natin ang mga pahayag ni Pope Francis: “Let us implore the Most Holy Virgin Mary — as Our Lady of Guadalupe, Mother of God, the Queen, and My Lady, ‘my maiden, my little one,’ as St. Juan Diego called her, and with all the loving names by which we turn to Her in popular piety — let us pray that she continue to accompany, help, and protect our peoples. May she lead by the hand all the children who go on pilgrimage to those lands to meet her Son, Jesus Christ, Our Lord, present in the Church, in his sacramental nature, especially in the Eucharist, present in the treasure of his Word and in his teaching, present in the holy and faithful People of God, present in those who are suffering and in the lowly in heart.”
Our Lady of Guadalupe, Reyna ng mga pamilya at Ina ng Buhay, ipanalangin mo ang mga pamilyang Pilipino upang, sa pag-amot namin ng lakas sa Eukaristiya, ay maging sentro ng pagmamahal at malasakit, ng kaligayahan at kapayapaan, ang aming mga tahanan. Amen.