Hindi nababahala si Senator Grace Poe-Llamanzares sa kabila ng inilabas na desisyon ng Commission on Elections (Comelec) First Division na nagdidiskuwalpika sa mambabatas na kumandidato sa 2016 presidential elections.
Determinado si Poe na dalhin ang kanyang kaso sa Korte Suprema, na rito ay umaasa siyang papaboran ng kataas-taasang hukuman ang kanyang 10-year residency requirement sa pagkandidato niya sa pagkapangulo sa susunod na taon.
Naniniwala rin si Poe na papaboran din ng Supreme Court ang kanyang pagiging natural-born Filipino citizen.
“Kakatok tayo sa pintuan ng Comelec at Korte Suprema para itaguyod ang katotohanan at tunay na diwa at layunin ng Saligang Batas,” saad sa pahayag ni Poe.
“Samantala, tuloy po ang ating kandidatura para sa pagkapangulo. Ipaglalaban po natin ang tunay na demokratikong halalan kung saan tampok ang kapakanan ng lahat ng Pilipino,” giit niya.
Bagamat aminadong inampon ng mag-asawang Fernando Poe, Jr. at Susan Roces matapos abandonahin ng kanyang mga tunay na magulang sa isang simbahan sa Iloilo City noong Setyembre 3, 1968, iginiit ng senadora na siya ay isang Filipino citizen batay sa umiiral na batas ng Pilipinas at ng ibang bansa. (HANNAH TORREGOZA)