Siyam na katao ang nasawi at apat na iba pa ang nasugatan makaraang tupukin ng apoy ang 50 bahay sa sunog sa Barangay Damayang Lagi sa Quezon City, kahapon ng madaling araw, iniulat ng Bureau of Fire Protection (BFP).
Sa report ni Quezon City Fire Marshal Senior Supt. Jesus P. Fernandez, kinilala ang mga nasawi na sina Asley Bulalacao, dalawang taong gulang; Juralyn Bulalacao, 25; Maria Victoria Dela Cruz; Omar Gomes, 27; Paul Gomes, 54; Glaiza Gomes, 22: Louie Gomes; Mary Ann Dela Cruz, 40; at Elvira Dela Cruz, 13, pawang nakatira sa 2B No. 12, 11th Street, Bgy. Damayang Lagi, Quezon City.
Sugatan din sa tinamong 2nd degree burns sa katawan sina Lino Iglopas, Dannny Dalumpines, Michael Villarais, at Francis Burleo.
Base sa report ng arson probers ng BFP, dakong 12:25 ng umaga nang sumiklab ang sunog sa hilera ng barung-barong sa Bgy. Damayang Lagi.
Ayon sa imbestigasyon, nawalan ng kuryente sa No. 11th at 12th Street at nang ibalik ang supply ng kuryente ay bigla na lang umanong nagkaroon ng short circuit at may magliyab sa kisame ng tatlong-palapag na bahay ni Elsa Jama.
Dahil pawang gawa sa kahoy ang mga bahay sa lugar, mabilis na kumalat ang apoy at nilamon ang mahigit 50 bahay.
Dahil naman sa mabilis na pagresponde ng mga bomber, tuluyang naapula ang sunog dakong 3:00 ng umaga, matapos itong umabot sa fifth alarm.
Nabatid sa nasa 150 pamilya ang naapektuhan ng sunog at may P200,000 ang halaga ng ari-ariang natupok. (JUN FABON)