Pinaghahanap ngayon ng mga awtoridad ang isang pulis-Maynila na nanghalay umano ng isang 21-anyos na babae na nakadetine sa Sampaloc Police Station.

Ipinag-utos ni Manila Police District (MPD) Director Chief Supt. Rolando Nana ang manhunt operation laban kay PO2 Joel Agbulos, miyembro ng MPD-Station 4 (Sampaloc).

Aarestuhin na sana ni Senior Insp. Joselito de Ocampo at dalawa pang pulis si Agbulos sa bahay nito subalit hindi na nila naabutan ang suspek.

Naghain na ng kasong rape si De Ocampo laban kay Agbulos matapos magreklamo si “Rochelle” (hindi tunay na pangalan) na siya ay ginahasa ng suspek habang siya ay nakakulong at iniimbestigahan sa reklamong trespassing noong Nobyembre 28.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Matapos na pangakuan na tutulungan siya sa kanyang kaso, sinabi ni Rochelle na dinala siya ng pulis sa loob ng locker room ng himpilan kung saan siya kinunan pa umano ng larawan habang ginagahasa ng suspek.

Subalit imbes na palayain, dinala umano ng suspek si Rochelle sa Prosecutors’ Office at kinasuhan ng trespassing.

At habang nakakulong, sinabi pa ng biktima na muli siyang inilabas ni Agbulos sa detention cell at muling dinala sa locker room kung saan muli siyang hinalay habang tinututukan ng baril.

Nadiskubre lamang ng mga kabaro ni Agbulos ang insidente nang mapansin nila na walang tigil sa pag-iyak ang dalaga habang isinasalang sa booking process noong Nobyembre 30. (Argyll Cyrus B. Geducos)