Sugatan ang isang biyudo matapos barilin ng isang pulis na nakatapat nito sa sugal sa Caloocan City noong Lunes ng gabi.

Unang isinugod sa Tala Hospital ng kanyang mga kaanak si Nestor Francisco, 53, ng Block 3, Lot 14, Masigasig Street, Maligaya Park, Barangay 177, bago inilipat sa ibang pagamutan dahil sa tama ng bala ng 9mm sa kanang hita.

Ayon kay Senior Supt. Bartolome Bustamante, hepe ng Caloocan Police, nasa kustodiya na ng kanyang superior ang suspek na si PO1 Andrei Punzal, nakatalaga sa Police Community Precinct (PCP) 5, at residente ng Masigasig St., Maligaya Park, Caloocan City.

Ayon sa report, dakong 11:00 ng gabi, naglalaro ng pusoy sa lamay ng kanilang kapitbahay sina Punzal at Francisco.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Umayaw daw ang biktima at nagpasyang umuwi matapos manalo ng P10,000, bagay na ikinabuwisit ng kanyang mga kalaro.

Sinundan umano ni Punzal si Francisco at saka binaril sa hita.

Katwiran ng suspek may dala raw itak ang biktima at napilitan siyang barilin ito dahil tatagain siya.

Hindi naman kumbinsido ang mga kaanak ng biktima sa katwiran ng pulis. (Orly L. Barcala)