Kasado na ang isang roundtable discussion tungkol sa construction industry, na gaganapin sa Disyembre 11, sa Telington Hall ng ACB Building ng University of Asia and the Pacific (UA&P) sa Ortigas Center, Pasig City.

Ang talakayan ay pangungunahan ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Rogelio Singson, habang idedetalye naman ng ekonomistang si Dr. Bernardo Villegas ang mga isyung kinahaharap ng construction industry.

Ang pagtitipon ay inorganisa ng UA&P Center for Research and Communication kasama ang Citizens’ Crime Watch (CCW), Philippine Constructors Association (PCA), National Construction Association of the Philippines (NACAP), at DPWH.

Kabilang din sa mga magtatalumpati sina DPWH Undersecretary Romeo Momo, NACAP President Datu Farouk Macarambon, at CCW Chairman Jose Malvar Villegas, Jr.

Sementeryo sa Albay, pinagbubutas; masangsang na amoy, umaalingasaw

Ayon kay Villegas, bilang kasama ng civil society organization ng DPWH sa paglaban sa korupsiyon, ginawang inisyatibo ng CCW ang roundtable discussion.

Kasabay nito, inilunsad ng CCW, sa pangunguna nina CCW Executive Secretary Don Anton de Nieva at CCW Anti-Graft and Corruption Task Force, ang Construction Industry Reform Coordinating Council (CIRCC) upang subaybayan ang proseso ng paglalaan ng pondo at pagbili ng mga construction supply ng mga ahensiya ng gobyerno.

Ang CIRCC ay pinangungunahan ni Raul Cruz, presidente ng Philippine Chemsteel Industries; ni Eleno Colinares Jr.; at nina dating DPWH Director Farouk Macarambon Sr. at Perla Tablante, bilang secretary.