Sa ikalawang pagkakataon, nagwagi ng MVP honors si Army top hitter Jovelyn Gonzaga matapos siyang muling pangalanan bilang MVP ng Shakey’s V- League Season 12 Reinforced Conference sa awards rites, kahapon, bago ang Game Two ng finals series sa pagitan ng PLDT Home Ultera at Army sa San Juan Arena.

Ang parangal ang ikalawa para kay Gonzaga na naunang nagwagi ng parangal noong Season 10 second conference.

“Well deserved naman niya ‘yung award, eh, kasi makikita naman sa laro niya. At saka marami syang nai-inspire at nagsisilbi siyang role model hindi lang sa mga kapwa niya players kundi lalo na sa kabataan,” pahayag ni Army Coach Kungfu Reyes sa kanyang ace hitter.

Bukod kay Gonzaga, ang iba pang individual awardees ay sina Honey Royse Tubino, ng Army, bilang Best Outside Spiker; Janine Marciano, ng PLDT, bilang second Best Outside Spiker; ang kakampi nitong si Lizlee Ann Pantone, bilang Best Libero; Janet Serafica, ng Navy, bilang Best Setter; Katherine Bersola, ng UP, bilang Best Middle Blocker; at kakampi niyang si Sheena Mae Chopitea, bilang second Best Middle Blocker; habang si Gonzaga pa rin ang Best Opposite Spiker.

Akari Sports wala pang balak pasukin ang PBA

Samantala, nagtala ng tig-17 puntos sina Bersola at Justine Dorog para pamunuan ang panalo ng Lady Fighting Maroons kontra Lady Sailors sa duwelo nila para sa third place sa score na 25-20. 24-26, 25-23, 25-15. - Marivic Awitan