Iniimbestigahan ng mga tauhan ng Pasay City Police ang pagsalakay ng mga hinihinalang miyembro ng ‘Basag-Kotse’ gang matapos limasin ang mga personal na gamit sa tatlong sasakyan sa parking area ng SM Mall of Asia sa Pasay City nitong Sabado ng gabi.

Nanlulumong nagtungo sa himpilan ng pulisya ang mga biktima na sina Bryson Bundang, 19; Karl Mathew Quimpo, 19; at Jerry Munsod, 42, upang magbigay ng salaysay sa insidente.

Dakong 9:00 ng gabi nang madiskubre ni Bundang na basag ang bintana ng kanyang Mitsubishi Space Wagon at nawawala ang Global Positioning System (GPS) sa loob ng sasakyan.

Hindi rin makapaniwala si Quimpo nang matuklasang sira ang salaming bintana ng kanyang Toyota Avanza at nanlumo nang matuklasang wala na sa loob ng sasakyan ang tatlong bag, P3,500 cash, pasaporte at ilang gadget niya.

National

OVP, nagpaliwanag hinggil sa 'casual meeting' nina VP Sara at Ex-VP Leni sa Naga

Natagpuan din ni Munsod na wasak ang binata ng kanyang Toyota at natangay ng mga suspek ang tatlong bag, gadget, ATM card at P6,000 cash na naiwan niya sa sasakyan.

Narekober ng awtoridad sa loob ng sasakyan ni Munsod ang isang screwdriver na pinaniniwalang ginamit ng suspek sa krimen.

Sinusuri na ng Pasay Police ang mga kuha ng closed circuit television (CCTV) camera na makatutulong sa pagtukoy sa mga suspek. - Bella Gamotea