IPINASUSURI na ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) sa mga international auctioneer ang mga ‘di umano’y pambihira at mamahaling alahas na ninakaw ng mga Marcos.

Ayon kay Brett O-Connor, senior director ng Sotheby at jewelry specialist, ang tinatawag na Rouneliotes Collection at Hawaiian Collection ni Imelda Marcos ay “wonderfull items”. At ang isa sa mahahalagang piraso ng Hawaiian Collection ng mga Marcos ay ang 25-karat pink diamond na maliit lamang ng konti sa pisong barya.

Magandang balita na ang karamihan sa mamahaling alahas na ninakaw ng mga Marcos ay nabawi ng gobyerno sa pamamagitan ng PCGG, bagamat marami pa silang hinahanap. Patunay lamang na sa panahon ng yumaong strongman ay sinamantala nila ang pera ng mamamayang Pilipino at ipinamili ng mamahalin at pambihirang mga alahas para masunod ang hilig at luho ng Unang Ginang.

Ngunit ano ba ang halaga niyan sa mga naghihirap at karaniwang mamamayan? Mababahaginan ba sila ng mga pagbibilhan nito kung sakaling i-auction?

At ang higit na malungkot ay ito: Pagkatapos mabawi ng PCGG ang mga ninakaw na alahas ay ano ang susunod? Hanggang ganon na lamang ba? Nabawi ang mga NINAKAW eh, paano ang mga NAGNAKAW? Pababayaan na lang ba sila ngayon dahil nabawi na ang kanilang mga ninakaw?

Nasaan ang katarungan para sa mahihirap na mamamayan? Ano ba ang nakasaad sa Konstitusyon? Kung ang isang PULOT dahil sa sinasabing isinasaad sa Konstitusyon ay pinarurusahan, bakit hindi ang mga nagnakaw? Kung ganito ang batas sa bansa, hindi ba maganda pa ang batas ng kagubatan?

Kapag ang isang mahirap ay nakapagnakaw ng isang lata ng sardinas dahil walang uulamin ang mga anak ay ikinukulong agad. Bakit pinababayaan nating makalaya ang mga nagnakaw ng limpak-limpak na salapi?

BIRONG PINOY

PULIS: Judge, ang lalaki pong ito ay nagnakaw ng manok.

JUDGE: Nagnakaw ng manok? Aba, IKULONG iyan! NO BAIL!

PULIS: Ito naman pong babaeng ito, nagnakaw ng saku-sakong ALAHAS.

JUDGE: Alahas? Pakawalan iyan at pabayaang kumandidato para matawag siyang KAGALANG-GALANG! (ROD SALANDANAN)