Ni NORA CALDERON

WALANG tumutol o narinig na “itigil ang kasal!” dahil mahigpit na yakapan nina Alden (Richards) at Yaya Dub (Maine Mendoza) at tilian at palakpakan sa loob ng Broadway studio ang napanood sa Eat Bulaga nitong nakaraang Sabado. Marami pa ring umiiyak, pero tears of joy iyon, dahil natapos na rin ang paghihirap ng loob ng AlDub Nation pagkaraan ng apat na araw na pagpapaiyak at pagbigat ng dibdib nila sa mga naganap dahil gustong ipakasal si Alden ni Lola Babah (Ai Ai delas Alas) sa Russian model na si Cindy.

Tweet nga ng AlDub Nation, alam daw nilang aktingan lang ang lahat, pero affected sila dahil feeling nila ay totoo ang nangyayari sa mga iniidolo nila.

Ano ang nakapagpabago kay Lola Babah para hindi ituloy ang kasal ng apo? Ang sulat ni Yaya Dub na nagbakasakaling maintindihan ni Babah ang damdamin nila ni Alden, na hindi sila mabubuhay nang wala ang isa’t isa. Tumimo ang nilalaman ng sulat sa dibdib ni Babah at siya na ang pumunta kay Yaya at pagkatapos nilang mag-usap ay nakita na lamang na masayang umalis si Yaya.

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

Special guest sa Eat Bulaga si Bryan White na inawit ang paboritong song ng AlDub Nation na God Gave Me You habang ipinakikitang very sad si Alden na naghahanda na para sa wedding nila ni Cindy, at si Yaya na nakatakdang umalis para mag-aral sa ibang bansa. (Bukas ang Bryan White: Live In Manila concert na gaganapin sa Smart Araneta Coliseum.)

Sumunod sina Lola Nidora (Wally Bayola), Lola Tidora (Paolo Ballesteros) at Frankie Arenolli (Jose Manalo) kina Babah at Yaya. Ipinabatid ni Babah ang pagbabago ng desisyon niya para hayaan nang magsimula muli sina Alden at Yaya, na hindi raw pala niya dapat pangunahan ang kanyang apo. Sinabi niya kay Alden, papunta na sa kanya si Yaya. Sa muli nilang pagkikita, mahigpit ang yakap nila sa isa’t isa.

Napawi ng yakap na iyon ang apat na araw na kalungkutan ng AlDub Nation. Biro nina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon, mag-kiss na ang dalawa, pero biglang bumusina, freeze!

Samantala, inakala ni Frankie na mahal nga siya ni Cindy at gusto niya itong pakasalan. Habang bumababa ng hagdan si Cindy na naka-wedding gown, nahulog ito at nabagok ang ulo. Nang matauhan si Cindy, wala na siyang kilala at nagsasalita na siya ng Tagalog at Bisaya. Ayaw din niya kay Frankie!