Patay ang isang tricycle driver makaraan siyang saksakin ng kanyang kapitbahay na miyembro ng Sigue-Sigue Sputnik Gang, sa Pasay City, nitong Biyernes ng gabi.

Binawian ng buhay sa San Juan De Dios Hospital si Alfredo Tuazon, 34, ng Mahogany Street, Barangay Sto. Niño ng nasabing lungsod, dahil sa apat na saksak sa dibdib at kanang bahagi ng ulo.

Nasa kostudiya naman ng Pasay City Police ang itinuturong suspek na si Glen Angelo Bamuya, alyas “Ling-Leng“, 36, ng No. 2972 Interior 42, Taft Avenue, Bgy. 145.

Dakong 10:40 ng gabi nang arestuhin ng isang “PO1 Salangad” ang naglalakad na suspek sa loob ng Giselle Park patungong EDSA, Rotonda.

Metro

Magpinsang paslit nagkayayaang maligo sa lawa, nalunod

Kasama ng suspek na naglalakad sa parke ang isang “Jake Ramos” nang isang hindi kilalang lalaki ang nagsisigaw at itinuro si Bamuya na sumaksak sa biktima kaya nakaagaw pansin kay PO1 Salangad.

Agad nilapitan ng pulis si Bemuya upang alamin kung totoo ang sinasabi ng lalaki nang biglang tumakbo ang kasama niyang si Ramos.

Napansin din ni PO1 Salangad ang bahid ng dugo sa suot na brown short pants at ang mensahe sa cell phone ng suspek na nakasaad na “Pre, sibat ka na”.

Sumasailalim sa imbestigasyon ang suspek habang inaalam ng awtoridad ang motibo sa pagpaslang sa biktima.

(Bella Gamotea)