Matapos ang 17 taong pagtatago sa batas sa kasong pagpatay sa Western Samar, natunton ng mga pulis ang isang suspek sa Caloocan City, nitong Martes ng hapon.

Si Jessie Pasague alyas “Bomboy,’ 50, tubong Tacloban City, residente ng Block 2, Barangay 14, Dagat-Dagatan ng nasabing lungsod ay naaresto ng pinagsamang puwersa ng Northern Police District-District Special Operation Unit (NPD-DSOU) at ng Talaura Municipal Police Station, dakong 4:00 ng hapon sa labas ng kanilang bahay, habang naglalaro ng bingo.

Ayon kay NPD-DSOU head P/ Chief Inspector Timothy Aniway, nakipagtulungan sa kanila ang Taulara Police sa pamumuno ni P/ Sr. Inspector Michael John Astorga, matapos malaman na nagtatago sa Caloocan City si Pasague.

Dala ang warrant of arrest mula kay Basey, Samar Regional Trial Court (RTC) 8th Judicial Region Judge Godofredo Quinsing ng Branch 30 para sa mga kasong three counts of murder at two counts of frustrated murder, nilusob ng mga ito ang kinaroroonan ng suspek.

National

4.8-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Sur

Hindi na nakapanlaban pa si Pasague nang sorpresahin siya ng mga pulis na naka-sibilyan.

Base sa record ng Taulara Police Station, 17 taon na ang nakalipas, pinagtataga ng suspek ang tatlong katao sa kanilang probinsiya habang dalawa ang nakaligtas. Pinutol pa nito ang tainga ng pinatay, inihaw at kinain.

Ayon kay Astorga, matagal nilang hinanap si Pasague, binansagang most wanted sa Samar, hanggang sa sabihin ng isa sa mga kamag-anak nito na ito ay nasa Caloocan City at nagmamaneho ng tricycle. (Orly L. Barcala)