Matapos mabantog ang imbensyong salt lamp ni Aiza Mijeno, isa pang imbensyong Pinoy ang umani ng papuri at kinilala.

Tumanggap ng Princess Maha Chakri Award mula kay Thailand Princess Maha Chakri Sirindhorn ang imbensyon ni William Moraca, guro ng Datal Salvan Elementary School sa San Jose, General Santos City, na portable windmill na nagbibigay ng potable water at kuryente sa mga komunidad ng mga katutubong Blaan at T’boli sa Datal Salvan at Klolang.

“Noong una akong na-assign dito, nakita ko na walang tubig at ang hirap kumuha ng tubig doon sa batis at sa sapa.

Maglalakad ka pa ng ilang kilometro para mag-igib ka lamang ng tubig, kaya ang ginawa ko pinaakyat ko dito ang tubig– from river down to the community and, eventually, the schools. I did this by using magnetic field force,” salaysay ni Moraca.

TINGNAN: Listahan ng mga nag-file na kandidato sa pagkasenador at party-list

Dinisenyo rin ni Moraca ang mabilis na charging time ng baterya mula sa solar panel para magkaroon ng sapat na kuryente ang komunidad.

“Hindi ako pumapasok sa school para manalo ng ganitong klaseng award. Ang nasa isip ko lang talaga ay makatulong sa mga studyante at sa buong community dito sa Datal Salvan. Gagamitin ko ang pagkakataon na ito para maging ehemplo at para ma-inspire ko rin ang lahat ng mga guro sa Pilipinas na gumawa ng kakaiba o gumawa ng panibagong hakbang para sa kanilang komunidad,” aniya. (MAC CABREROS)