Ogie-Alcasid-1-copy

Ni JIMI ESCALA

SINA Rey Valera at Ogie Alcasid ang ginawaran ng lifetime awards ng PMPC Star Awards for Music na ginanap sa KIA Theater sa Cubao kamakailan. Si Rey Valera ang recipient ng Pilita Corrales Lifetime Achievement Award at si Ogie naman ang pinagkalooban ng Levi Celerio Lifetime Achievement Award. Siyempre, parehong tuwang-tuwa ang dalawa sa karangalang ipinagkaloob sa kanila.

Sinamantala namin ang pagkakataon na hingan ng reaksiyon si Ogie tungkol sa pagti-take over ng Viva sa TV5, na may exclusive contract siya ngayon. Umamin si Ogie na may nararamdaman siyang pangamba, pero hindi para sa kanyang sarili kundi para sa mga kasamahan niya at sa production staff na napamahal na sa kanya. “Well, maganda naman ang naging usapan namin ni Boss Vic del Rosario,” sagot ng magaling na singer. “May magagandang plano siya para sa network. Gusto niyang magkaroon kami ng singing contest at iba pang talent search next year.

Karina Bautista, PH navy reservist na

“Ang problema ko lang at medyo nangangamba lang ako, sa production staff at iba pang kasamang artista sa TV5. Nilalakad ko nga para hindi sila maaapektuhan sa pagti-takeover ng Viva sa pamamalakad sa entertainment sa TV5,” sagot pa ng magaling na singer.

Hindi naman daw maapektuhan ng pagti-take over ng Viva ang posisyon niya sa TV5. Tuluy-tuloy pa rin naman daw siya at malamang na maisama pa rin niya sa mga gagawin niyang projects ang iba pang talents ng istasyon.

Samantala, bilang pagdiriwang nila ni Regine Velasquez sa kanilang limang taong pagsasama bilang mag-asawa ay naghanda si Ogie ng regalo para sa asawa na talagang pinag-isipan niya nang husto.

“Ginawan ko siya ng album na ang mga nilalaman ay tungkol sa pagmamahal at wedding. Para sa kanya ang mga awitin ng album at may para rin sa AlDub (Alden Richards at Maine Mendoza) na ginawan ko rin ng kanta,” kuwento ni Ogie.

Binanggit din niya na sa darating na Kapaskuhan ay magsasama-sama sila uli ng mga anak niya kay Michelle van Eiemeren dito sa Pilipinas. More than a week daw na magbabakasyon dito ang mga anak niya kay Michelle bago bumalik ang mga ito sa Australia.

“Siguro, mga ten days kaming magsasama-sama sa Pasko. Regine, Nate, and my kids with Michelle. Dito sila sa atin magpa-Pasko. Of course, kasama rin si Michelle. Complete family kami sa Pasko,” napangiti pang banggit ng Star Awards for Music lifetime achievement awardee.