How true na dumalaw si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa sa aktres at dating Viva Hot Babes member na si Andrea Del Rosario?
Sa isang Instagram story kasi ni Andrea kamakailan, ibinahagi niya ang larawan nila ni Sen. Bato kasama ang mister niya.
“Thanks for dropping by, sir,” saad sa caption.
Ngunit ayon sa ulat ng isang pahayagan nitong Lunes, Mayo 18, nilinaw umano ni Andrea na lumang litrato na ang ipinaskil niya.
Aniya, “That’s an old photo… Maybe 3 years ago! It was a memory that showed up, and I reposted.”
“[Just] riding the issue for the memes! Lol didn’t know that it would blow up! lol,” dugtong pa ng aktres.
Sa kasalukuyan, wala na ulit balita tungkol sa kinaroroonan ni Sen. Bato matapos magkagulo sa Senado noong Mayo 13.
Isinailalim na rin siya ng Bureau of Immigration (BI) sa immigration lookout order upang mabantayan ang galaw niya.
Matatandaang sangkot si Sen. Bato sa madugong giyera kontra droga sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na kasalukuyang nakapiit sa The Hague, Netherlands dahil sa kasong crimes against humanity.
Kinumpirma na ng International Criminal Court (ICC) na balido ang arrest warrant laban sa senador na kumakalat noon pang Nobyembre 2025.
Maki-Balita: 'Legit!' ICC, kinumpirma arrest warrant laban kay Dela Rosa