Mga laro ngayon

Philsports Arena

4:15 p.m. NLEX vs. Mahindra

7 p.m. Rain or Shine vs. Globalport

PVL, ibinalandra eligibility rules sa foreign players; Alohi Hardy, ekis ngayong conference

Rain or Shine, patatatagin ang kapit sa liderato.

Ikaapat na panalo na magpapatatag sa kanilang solong pamumuno ang tatangkaing masungkit ng Rain or Shine sa kanilang pagtutuos ng Globalport sa tampok na laro ngayong gabi ng 2016 PBA Philippine Cup sa Philsports Arena sa Pasig City.

Magtutuos ang dalawang koponan ganap na ika-7 ng gabi matapos ang unang salpukan sa pagitan ng NLEX at Mahindra sa araw na ito na itinuturing ng marami na may kaakibat na kamalasan dahil nataong Biyernes-a-Trese.

Galing sa 99-84 na panalo kontra defending champion San Miguel Beer noong Nobyembre 4, inaasahan ni coach Yeng Guiao na ipagpapatuloy ng kanyang koponan ang nasimulan nilang pagtutulungan mula noong una nilang laban para patuloy na mapunan ang pagkawala ng ace guard na si Paul Lee na nagpapagaling sa kanyang injury sa tuhod.

“We miss Paul a little less when we’re winning,” ani Guiao na aminadong mahihirapan sila sa Batang Pier dahil maraming mahuhusay na guwardiya ang koponan sa pangunguna nina Stanley Pringle, Terrence Romeo at Joseph Yeo.

Para naman sa Globalport, importante sa kanila ang laro kontra Rain or Shine dahil dito masusubok ng husto ang kanilang binubuong karakter ng koponan.

“In a process pa rin yung team na magkaroon ng chemistry,” ani Batang Pier coach Pido Jarencio. “May mission kami na 1 game at a time kelangan mo manalo, yung game against ROS importante sa amin yun.”

Gaya ng dati, sasandigan ni Jarencio para sa target nilang ikatlong sunod na panalo matapos mabigo sa una nilang laro kontra Beermen sa Davao City ang consistency na ipinakikita ni Pringle bilang playmaker gayundin ang mainit na opensa ni Romeo na mas tumaas ang kumpiyansa magmula nang makapaglaro para sa Gilas Pilipinas.

Mauuna rito, magtatangka naman ang Mahindra na maiposte na ang asam na unang panalo sa kanilang pagsalang kontra NLEX na target namang pumantay sa ikalawang puwesto kasalo ng Alaska at San Miguel Beer sa kanilang pagtutuos ganap na alas-4:15 ng hapon.

Wala pang naipapanalo ang Enforcers ni playing coach Manny Pacquiao matapos ang unang tatlong laban kabilang na ang pinakahuling laro nito kontra Alaska Aces na ginanap sa Dubai habang naputol naman ang nasimulang back-to-back wins ng Road Warriors matapos maungusan ng Star Hotshots sa nakaraang nilang laro, 95-97.

Dahil sa panalo ay bumaba ang NLEX sa barahang 2-1, panalo-talo, kasalo ng Globalport at Talk ‘N Text sa ikatlong puwesto. (MARIVIC AWITAN)