HINDI biro ang nakasisindak na karanasan ng mga nagiging biktima ng kasumpa-sumpang “tanim bala” sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at sa iba pang paliparan sa bansa. Sinong pasahero ang hindi aatakehin ng matinding nerbiyos kung bigla na lamang madidiskubre ng mga tauhan ng Office of Transportation Security (OTS) na may mga bala ng baril sa kanyang bagahe? Kung bigla na lang siyang poposasan at aakusahan ng illegal possession of live ammunition?

Sa pagtalakay sa naturang isyu, hindi na natin bubusisiin kung ang “tanim bala” ay kagagawan ng ilang tauhan ng NAIA na walang hangarin kundi sirain ang kasalukuyang administrasyon; kung talamak ang sindikato na walang inaatupag kundi mangikil ng malaking halaga sa mga pasahero na ang karamihan ay OFWs na itinuturing nating mga bayani ng lipunan; kung nais lamang palitawin na ang NAIA ay dapat panatilihing nakalugmok sa pagiging pinakamalalang paliparan o worst airport sa daigdig.

Manapa, nais ko lamang ipahiwatig na kabilang tayo sa mga nagkaroon ng traumatic experience o nakasisindak na karanasan sa isang airport sa Asia. Sa pag-inspeksiyon ng mga security force sa Singapore International Airport (iba na yata ang pangalan nito ngayon), natuklasan ang isang Swiss knife sa aking attaché case. Itinuring na ito ay isang deadly weapon sapagkat ito ay may matatalim na bahagi na tulad ng blade, can opener, lagari at iba pa. Kinumpiska ito at niresibuhan at ipinagkatiwala sa aircraft authorities na sinakyan ko pauwi sa Pilipinas. Naibsan lamang ang aking matinding nerbiyos nang bigla na lamang iabot sa akin ng stewardess ang aking Swiss knife nang kami ay lumanding sa Manila International Airport (MIA), na ngayon ay NAIA.

Mula noon, hindi ko na inilagay sa aking bagahe ang naturang lanseta na dati ko namang dinadala sa lahat ng aking nakaraang paglalakbay. Ayaw ko nang danasin ang gayong nakasisindak na karanasan.

Isa itong leksiyon sa iba pang pasahero na laging naglalakbay. Subalit sino nga naman ang makaliligtas sa maka-hayop na sistema ng pamamalakad ng ilang tauhan ng NAIA? (CELO LAGMAY)