Inihayag ni Philippine National Police-Aviation Security Group (PNP-AvseGroup) Director Chief Supt. Pablo Francisco Balagtas na sinibak na sa puwesto ang hepe ng AvseGroup-National Capital Region (NCR) at 15 tauhan ng Office for Transportation Security (OTS) ang sinuspinde kaugnay ng kontrobersiya sa “tanim bala” sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Kinumpirma ni Balagtas na pinalitan ni Senior Supt. Adolfo Samala si Senior Supt. Ricardo Layug, Jr., bilang hepe ng AvseGroup-NCR matapos sibakin sa puwesto ang huli kaugnay ng usapin sa “tanim bala” scam sa mga paliparan sa bansa.
Nilinaw din ni Balagtas na ang pagsibak kay Layug ay bahagi umano ng rotation sa PNP.
Kasabay nito, sinibak na rin ang 15 empleyado ng OTS habang iniimbestigahan ang mga ito kaugnay ng “tanim bala” na sinasabing modus ng isang sindikatong nangingikil sa NAIA.
Batay sa pahayag ng OTS, nasa restricted status ang nabanggit na 15 tauhan na nakatoka sa screening station ng NAIA, na roon natutukoy ang bala sa bagahe ng mga paalis na pasahero.
Layunin ng imbestigasyon, ayon kay Balagtas, na burahin ang pagdududa sa mga tauhan ng paliparan na isinasangkot sa tinaguriang extortion scheme.
Kasabay nito, nanawagan ang Manila International Airport Authority (MIAA) sa publiko na tumalima sa babala na ipinagbabawal ang pagdadala ng bala sa paliparan. (FER TABOY)