Humagulgol ang isang ama matapos niyang makita ang walong taong gulang niyang anak na babae habang iniaahon ang bangkay matapos malunod sa isang sapa sa Caloocan City, noong Linggo ng umaga. 

Sa report ng Scene on the Crime Operation (SOCO), dakong 8:00 ng umaga nang makita ang labi ni Maria Danica Escoto na nakasubsob sa creek, kasama sa santambak na basura sa Barangay Tala, ng nasabing lungsod.

Kuwento ni Jovie Escoto, 39, ama ng biktima, iniwan pa niya noong Sabado, dakong 10:00 ng umaga, ang anak na naglalaro sa gilid ng creek. 

“Noon pong mag-a-alas dose ng tanghali, hinanap ko ‘yung anak ko, kasi kakain na ng tanghalian, pero hindi na po namin nakita,” ani Jovie.

Kaso ng dengue sa ilang munisipalidad sa NCR, umabot na sa epidemic level

Sumapit ang maghapon ng Sabado ay hindi pa rin nakita ang bata kaya naglabas na ang ama ng larawan ng anak at ipinakalat ito sa Bgy. Tala.

Kinabukasan, nasindak si Jovie nang makita na sa anak niya ang bangkay na iniaahon ng mga tauhan ng SOCO sa creek.

Hinala ng pulisya, nahulog ang bata at nalunod dahil hindi ito marunong lumangoy. (Orly L. Barcala)