Pinaalalahanan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang lahat ng pinagkalooban ng Certificate of Public Convenience (CPC) na kumuha ng tamper proof online verifiable CPC, na iniisyu alinsunod sa Memorandum Circular No. 2014-006.

Binigyang diin ni LTFRB Board Member Ariel Inton na ang pagkuha ng mga public utility vehicles franchise ng online verifiable CPC ay kaugnay sa kampanya ng board laban sa mga sasakyang colorum at mga fixer.

Nauna rito ay nakipagkasundo ang board sa National Printing Office (NPO), isang government-recognized printer, para magkaloob sa board ng secure, standalone platform na magpapadali sa pag-detect ng mga pagbabago o pamemeke sa CPC, certificate of confirmation, at franchise sticker.

Ang online verifiable CPC ay sinisingil ng P250 para sa unang pahina at P100 para sa bawat susunod na pahina, habang ang online verifiable confirmation certificate at franchise sticker ay nagkakahalaga ng P200 bawat set.

National

PBBM, itinangging nagbitiw na si DND chief Teodoro: 'Imbento 'yan ng mga desperado!'

Ang kabiguan ng grantee na makakuha ng kanilang tamper proof diploma-type CPC, ayon kay Inton, ay magiging dahilan ng hindi pagtanggap sa anumang application o petition kaugnay sa nasabing franchise at non-certification ng authorized units na kasama sa nasabing franchise.

Napansin na ni Inton na mayroong mga pagkakaantala sa implementasyon ng pag-iisyu ng mga online verifiable CPC, at nagbabala siya na ang kabiguang makasunod sa probisyong ito ay may katapat na multang P1,000 kada buwan ng pagkaantala na bibilangin mula sa pagpaso ng nasabing 30 araw na palugit. (Czarina Nicole O. Ong)