Wala nang buhay ang isang Australian nang matagpuan sa loob ng palikuran ng tinutuluyan nitong hotel sa Ermita, Manila noong Lunes ng hapon.

Ang biktima ay nakilalang si Kimberley James Powell, 58, tumutuloy sa Unit 711 7th Floor Paragon Hotel Tower sa 531 A. Flores Street sa Ermita.

Sa ulat ni SPO1 Alonzo Layugan, dakong 3:30 ng hapon nang madiskubre ni Neric John Manalo, attendant, ang bangkay ng biktima matapos na dumating ang isang babae na bibisita sana rito sa hotel.

Ilang beses umanong tinawagan ang biktima sa kanyang inuupahang unit ngunit hindi siya sumasagot kaya napilitan silang puntahan ito.

Metro

Magpinsang paslit nagkayayaang maligo sa lawa, nalunod

Gayunman, kahit katukin ay hindi pa rin sumasagot ang biktima kaya nag-alala na sila at binuksan ang kuwarto ng biktima gamit ang duplicate key.

Dito na umalingasaw ang masangsang na amoy mula sa bangkay ng biktima, na nakasuot lang ng puting T-shirt at walang saplot sa ibabang bahagi ng katawan.

Natagpuan din ang maraming gamot para sa hypertension at diabetes ng biktima.

Oktubre 16 lang umano nang mag-check-in sa hotel ang dayuhan. (Mary Ann Santiago)