Ipapamalas muli ni Southeast Asian Games multi-medalist Rubilen Amit ang kakayahan kontra sa mga mahuhusay sa mundo ng women’s billiards sa pagsabak nito sa gaganapin na 2015 Women’s World 9-Ball Championship sa Guilin Museum, Guilin, China.

Makakasagupa ni Amit na tinanghal din World 10-ball champion ang kinatawan mula sa mahigit sa 20 bansa na sasali sa torneo na inoorganisa ng World Pool Association na sisimulan sa Huwebes at matatapos sa Linggo.

Ang torneo ay ikalawang malaking kumpetisyon na sasalihan ni Amit sa China matapos unang sumabak sa CBSA B Beijing Miyun International Tournament kung saan pumangalawa ito kay Chen Si Ming ng host na China.

Ikalawang sunod na taon ding gagawin sa Guilin ang torneo kung saan pilit hihigitan ni Amit ang ikalawang puwesto na pagtatapos kay Ga Young Kim ng Korea na naganap noong 2007 sa Taipei.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Kasali rin sina Ga at Chen sa torneo bukod pa kay Lui Shasha ng China na siyang nanalo noong 2014 at hangad ang kanyang pangatlong World title sa torneo.

Lalahok din sa torneo ang iba pang cue artists na Allison Fisher at Kelly Fisher ng Great Britain, Jasmin Ouschan ng Austria, Akimi Kajitani ng Japan, Pan Xiaoting ng China at Chou Chieh-yu ng Chinese Taipei.

Isasagawa muna ang qualifying sa Nobyembre 5 para kunin ang kukumpleto sa 64 players na sasabak sa Group elimination. Walong grupo na may walong manlalaro ang sasailalim sa double round elimination at ang dalawang mangunguna sa winner’s at lo-ser’s bracket ang papasok sa Final 32 na magtutuos sa race-to-9, alternate break knockout round.

Nakataya ang kabuuang $170K premyong paglalabanan saan ang mananalo ay mag-uuwi ng $42k habang ang ikalawa ay tatanggap ng $20k premyo. (Angie Oredo)