Nagbabala ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga taga-eastern Metro Manila at Rizal sa inaasahang mas matindi pang trapiko sa Marcos Highway sa pagsisimula ng malawakang konstruksiyon ng Light Rail Transit (LRT)-Line 2 extension project.

Sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino na magsisimula ngayong Lunes ang konstruksiyon para sa pagdadagdag ng terminal ng LRT Line 2 mula sa Santolan sa Pasig City hanggang sa Masinag sa Antipolo City.

Sinabi ni Neomie Recio, MMDA traffic engineering head, na ang pagsasara ng mga innermost lane sa magkabilang direksiyon ng highway ay palalawakin mula sa Santolan hanggang sa Masinag.

“Nagsagawa na kami ng dry run sa panukalang management plan at nagsagawa na rin ng traffic adjustments,” sinabi ni Recio nang kapanayamin ng DZBB.

Trending

Mag-jowa naghiwalay na, na-engage na sa iba pero MRT-7 hindi pa rin daw tapos

Gayunman, kailangang magtayo ng mga pansamantalang waiting shed sa lugar, ayon kay Recio.

Bukod dito, kailangan din ang traffic signalization sa Imelda corner Marcos Highway.

Upang maibsan ang pagsisikip ng trapiko na idudulot ng proyekto, umapela si Recio sa mga contractor ng proyekto na agad na ipaalam sa MMDA ang alinmang pagbabago sa plano nito upang makapagpatupad ng mas epektibong traffic management. - Anna Liza Villas-Alavaren