Ni Rommel P. Tabbad
Hindi makapagpatayo ng karagdagang dormitoryo para sa mga tinaguriang “Iskolar ng Bayan” ang University of the Philippines (UP)-Diliman dahil na rin sa nakaambang budget cut ng unibersidad.
Inihayag ni UP Diliman Student Council President JP Delas Nieves na hiniling na nila sa pamunuan ng UP ang pagpapatayo ng mga dormitoryo, ngunit nabigo sila dahil sa isasagawang pagtapyas sa pondo ng unibersidad.
Aniya, naaapektuhan na sa nasabing usapin ang mga estudyante, na karamihan ay galing sa malalayong probinsiya at walang pambayad sa mga hindi abot-kayang upa sa boarding house.
Sinabi ni Delas Nieves na karamihan sa mga ito ay natutulog na lang sa labas ng dormitoryo at mayroon ding nagpapalipas ng gabi sa Academic Employees Union ng UP habang wala pang matutuluyan.
“First time siguro na naging ganito kalaki ‘yung bilang ng mga hindi natanggap sa mga dormitoryo. Sa mga nakaraang taon, mayroon talagang mga hindi nakakapasok, pero ngayon, ang naging problema, may mga umasang makakapasok,” sabi ni Delas Nieves.
Aniya, ang nakaambang malaking tapyas sa budget ng unibersidad ay manggagaling sa capital outlay.
“Kung sa capital outlay babawasin ‘yung budget ng UP, ibig sabihin hindi tayo makakapagpatayo ng karagdagang istruktura, at kasama na rito ang mga dormitory,” aniya.
Nilinaw ni Delas Nieves na masyado namang mataas ang P3,000 buwanang singil ng bagong Acacia Dormitory kumpara sa P500 sa ibang UP dormitory.