Isang retiradong colonel ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang nawalan ng mahigit P500,000 halaga ng pera at alahas matapos looban ang kanyang bahay sa Quezon City, nitong Huwebes ng hapon.

Ayon sa mga ulat sa Quezon City Police District (QCPD) Cubao Police Station (PS-7), kinilala ang biktimang si (ret) Col. Bienvenido Valle, Jr., 68, ng No. 79 Oxford Street, Barangay E. Rodriguez, Cubao, Quezon City.

Nangyari umano ang panloloob sa pagitan ng 4:30 ng hapon hanggang 5:00 ng hapon nitong Huwebes.

Sinabi ni Valle na kabilang sa mga natangay ng mga suspek ang iba’t ibang alahas na nagkakahalaga ng P200,000 cash, US$800 cash at Canadian $1,000 cash.

National

4.8-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Sur

Ayon sa report, saglit na umalis ng bahay si Valle at sa kanyang pagbalik ay nabungaran niya ang suspek, na nasa 35 anyos, maitim, naka-maong pants at T-shirt. Tinutukan umano siya ng baril ng suspek, na bitbit sa likod ang backpack na nilagyan ng mga ninakaw nitong gamit.

Bagamat nagsisigaw si Valle, nakatakas pa rin ang suspek lulan ng isang itim na Honda Civic na may conduction sticker na DP1683. - Francis T. Wakefield